Ebanghelyo: Juan 16:23b-28
At sa araw na iyon, wala na kayong itatanong sa akin sapagkat talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na ipagkakaloob sa inyo anumang hingin ninyo sa Ama sa Ngalan ko. Hanggang ngayo’y wala pa kayong hiningi sa Ngalan ko. Humingi kayo at tatanggap kayo upang maganap ang inyong kagalakan.
Sa mga paghahambing ko ipinangungusap sa inyo ang mga ito. Ngunit may oras na sasapit na hindi sa paghahambing ako mangungusap sa inyo kundi lantaran ko nang ihahayag sa inyo ang tungkol sa Ama.
Sa araw na ’yon, sa ngalan ko kayo hihingi; hindi ko sinasabi sa inyo na makikiusap ako sa Ama alang-alang sa inyo pagkat iniibig kayo mismo ng Ama dahil iniibig n’yo ako at pinaniniwalaang sa Diyos ako galing. Galing ako sa Ama at dumating sa mundo. Muli kong iniiwan ang mundo at papunta sa Ama.
Pagninilay
Kadalasan ang taong matagal nang nagtatrabaho at tumatanda ay nakakaisip ng pamamahinga sa trabaho. Ngunit ang pagtawag ng Diyos sa atin ay hindi isang trabaho lamang na may hangganan. Walang tinatawag na “retirement” ang bokasyong pinipili ng isang tao maging ito ay sa pag-aasawa, pagpapari o pagmamadre, at buhay ng laykong selibato. Sa buhay ni Jesuskristo ay klaro ang kanyang inaasam na pagbabalik sa Ama. Ang kanyang misyon, oryentasyon at pag-iral sa mundo ay nakaugat sa Ama na kailanman ay di mapuputol. Klaro ba sa atin ang tawag ng Diyos? Tumutugon ba tayo nang naaayon sa kanyang kalooban? Araw-araw nawa tayong tumalima sa ating misyon bilang mga Kristiyano na kilalanin, mahalin, paglingkuran, at purihin ang Diyos hanggang sa huling hininga ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021