Ebanghelyo: Juan 16:12-15
“Marami pa sana akong sasabihin sa inyo pero hindi ninyo masasakyan ngayon. Ngunit pagdating Niya, ang Espiritu ng katotohanan, ihahatid Niya kayo sa buong katotohanan.
“Hindi Siya mangungusap mula sa ganang sarili kundi ang naririnig Niya ang ipangungusap Niya at ang mga bagay na darating ang ibabalita Niya sa inyo. Mula sa akin Siya tatanggap at magbabalita sa inyo, at sa gayon Niya ako luluwalhatiin. Akin ang tanang sa Ama. Dahil dito kaya ko sinabing ‘Mula sa akin Siya tatanggap at magbabalita sa inyo.’”
Pagninilay
Ang mga “congressmen/ women” ay tinatawag ng mga “representatives” o sumasakatawan sa kanilang distritong kinabibilangan. Sa madaling salita, inaasahan silang maging boses ng kanilang mga nasasakupan. Ganoon din ang mga tinaguriang “ambassadors”. Ang salitang kanilang binibitawan bagamat buhat sa kanilang bibig ay ang mismong wika ng pangulo ng bansa. Sa pamamagitan nila ay naipararating ng lider ang kanyang presensya sa malalayong lugar. Sa usaping espirituwal, ang Espiritu Santo ang namamagitan sa atin at kay Jesus at namamagitan sa atin sa Ama. Tahimik na nagtatrabaho ang Espiritu Santo sa buhay natin na s’yang tagapagdala ng Mabuting Balita buhat sa langit. Tayo ba ay nagdadasal sa Espiritu Santo upang malaman ang kalooban ng Diyos para sa atin?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021