Ebanghelyo: Juan 10:1-10
“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magnanakaw at tulisan ang hindi dumaraan sa pintuan pagpasok sa kulungan ng mga tupa kundi lumukso sa ibang dako. Ang pastol ng mga tupa ang pumapasok sa pintuan. Pinagbubuksan siya ng bantay-pinto, at nakikinig ang mga tupa sa kanyang tinig. At tinatawag niya sa pangalan ang sarili niyang mga tupa at inaakay palabas. Kapag napalabas na niya ang tanang kanya, sa harap nila siya naglalakad at sa kanya sumusunod ang mga tupa, pagkat kilala nila ang kanyang tinig. Hinding-hindi sila susunod sa dayuhan kundi lalayuan nila ito sapagkat hindi nila kilala ang tinig ng mga dayuhan.”
Ito ang talinhagang sinabi ni Jesus sa kanila. Ngunit hindi nila naintindihan ang gusto niyang sabihin sa kanila.
Kaya sinabi uli ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ako siyang pintuan ng mga tupa. Magnanakaw at tulisan ang lahat ng nauna sa akin. Ngunit hindi sila pina-kinggan ng mga tupa. Ako siyang pintuan; kung may pu-mapasok sa pamamagitan ko, maliligtas siya, at papasok at lalabas, at makakatagpo ng pastulan. Hindi dumarating ang magnanakaw kundi para lamang magnakaw, pumaslang at magpahamak. Dumating naman ako upang magkaroon sila ng buhay at lubos na magkaroon nito.
Pagninilay
Kailan madaling maalala si Jesus? Kapag kailangan natin ang tulong Niya. Kaya napabigat ng dalahin ng taong walang pananampalataya, ng taong walang tiwala kay Jesus. Wari baga’y siya ang lulutas ng lahat, kailangang kayahin niyang mag-isa ang pasanin.
Ipinaaalala sa atin ng dalawang pagbasa na ang dulot sa atin ni Jesus, sa pamamagitan ng Kaniyang KALOOB (ang Espiritu Santo) ay ka-ganapan ng buhay. Napakadaling mabaling at doon na manatili, ang ating pansin sa mga suliranin, sa mga plano at mga hangarin sa buhay. Madalas, ang mga ito ang nag lalayo sa atin na tamasahin at namnamin ang diwa at kabuluhan ng buhay. Nauubos ang ating lakas at panahon sa panandaliang ginhawa, paglilibang at paimbabaw na paglu-tas sa misteryo ng pang- araw-araw nating pag-iral.
Kung tatanggapin natin ang katotohanan na ipinagkaloob ng Diyos “ang pagsisisi tungo sa bagong buhay” Gawa 11:18 tayo’y magiging daan ng bagong buhay na ganap at kasiya-siya, hindi lamang para sa ating sarili kundi para sa lahat ng ating makakasalamuha. Sapagkat ang pagsisisi ay isang uri ng karunu-ngan na kumikilala sa kadakilaan at katapatan ng Diyos. Ang araw-araw na pananatili ng Diyos sa ating buhay ang bukal ng lahat ng pagpapala.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022