Ebanghelyo: Juan 6:52-59
Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw. Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabu buhay ang ngumunguya sa akin. Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.” Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga habang nangangaral siya sa Capernaum.
Pagninilay
Kaagad nagpabinyag si Saulo! Kahanga-hangang pagtalima ng dating tagausig at tagapagparusa kay Ananias na hindi naman niya kakilala. Hindi lahat ng nakakasaksi at nakakaranas ng mga himalang naganap kay Saulo ay agad-agad tatalikod sa isang misyong masigasig niyang binubuno. Masasalamin sa pangyayaring ito ang dalisay na paghahanap ni Saulo ng katotohanan. Likas sa taong tapat ang maliwanag at dagliang pagpapasya. Dahil tukoy at iisa ang hanap at hangarin niya, madaling pumaibabaw ang mga hudyat at tanda na umaakay patungo sa hina-hanap niya.
Ito marahil ang dahilan kung bakit ang isang taong tinatawag ng Diyos sa natatanging paglilingkod sa Kanya sa pagpapari o pagrere-lihiyosa ay naaakit sa Banal na Misa kahit kapos o kung minsan ay walang alam tungkol sa misteryo ng Eukaristiya. Dito’y mauunawaan nating hindi pisikal na pagkain ang Banal na Pakikinabang. Unti-unting napapalitan din ng liwanag at karu-nungan ng Diyos ang mababaw at makitid na pang-unawa ng tao. Ito’y nagaganap, hindi sa utak o makata-ong pag-iisip kundi, sa konsyensya’t kalooban at malayang pagpapasiya ng pusong nabighani ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022