Ebanghelyo: Juan 15:1-8
“Ako siyang totoong puno ng ubas at ang Ama ko ang magsasaka. Pinuputol Niya ang bawat sangang di namumunga sa akin; at pinupungusan naman Niya’t nililinisan ang bawat namumunga upang higit pang mamunga.
“Ngayon malinis na kayo dahil sa salitang binigkas ko sa inyo. Mamalagi kayo sa akin, at ako sa inyo.
“Hindi makapamumunga ang sanga sa ganang sarili, malibang mamalagi ito sa puno ng ubas; gayundin naman kayo, malibang mamalagi kayo sa akin. Ako siyang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang namamalagi sa akin at ako sa Kanya, Siya ang namumunga nang sagana pagkat hiwalay sa aki’y hindi kayo makagagawa ng anuman. Kung hindi namamalagi sa akin ang sinuman, ihahagis Siya sa labas gaya ng sangang natuyo na tinitipon at ginagatong sa apoy at nagliliyab.
“Kung mamamalagi kayo sa akin at mamamalagi sa inyo ang mga pananalita ko, hingin ninyo ang anumang loobin n’yo at magkakagayon sa inyo. Sa ganito parangalan ang aking Ama: kapag namunga kayo nang sagana at naging mga alagad ko.”
Pagninilay
Sa ating makabagong panahon, “wifi connection” lagi ang hanap ng karamihan. Tila tumitigil ang ating mundo kapag hindi tayo konektado rito. Sa ating espirituwal na buhay, mayroon pang labis na nakakahigit sa wifi na ating kinahuhumalingan – si Kristo, ang bukal ng buhay. Ilan sa atin ang nakakaramdam ng kakulangan sa buhay kapag hindi tayo nakakadinig ng Salita ng Diyos? Iniimbitahan tayo ni Jesus na huwag mawalay sa kanya nang sa gayon ay lagi tayong “attuned” sa kanyang kalooban at pangarap Niya para sa atin. Kung ang tao ay laging naghahanap ng wifi upang alamin ang mga kaganapan at buhay ng ibang tao, ito ay kabaligtaran ni Jesus. Siya mismo ang humahanap sa atin nang sa gayo’y maging ganap ang ating buhay. Huwag nawa nating putulin ang ating koneksiyon sa Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021