Ebanghelyo: Juan 10:22-30
Piyesta ng Pagtatalaga sa Jerusalem, taglamig noon. Palakad-lakad si Jesus sa Templo sa patyo ni Solomon, at pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya: “Hanggang kailan mo ba kami ibibitin? Kung ikaw ang Kristo, sabihin mo sa amin nang lantaran.” Sinagot sila ni Jesus: “Sinabi ko na sa inyo pero hindi kayo naniniwala. Nagpapatunay tungkol sa akin ang mga gawang tinatrabaho ko sa ngalan ng aking Ama. Ngunit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. Dinidinig ng aking mga tupa ang aking tinig at kilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Buhay magpakailanman ang ibinibigay ko sa kanila at hinding-hindi sila kailanman mapapahamak ni walang aagaw sa kanila mula sa kamay ko. Mas dakila sa anuman ang ibinigay sa akin ng aking Ama, at walang makaaagaw mula sa kamay ng Ama. Iisa kami: ako at ang Ama.”
Pagninilay
Binibigyang diin sa ebanghelyo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng matang may pananampalataya – mga matang kumikilala at nananalig sa Diyos. Maging si Jesus ay hindi pinaniwalaan ng kanyang mga kritiko at ng mga Judio bilang Anak ng Diyos na Tagapagligtas. Bagamat mga gawain niya na mismo ang nagpapatotoo nito, nanatili silang bulag sa kanilang pananampalataya. Sa ating buhay pananampalataya, hindi rin natin maiwasang maging isang “Judio”. Sa mga ordinaryong mata lamang natin tinitingnan ang grasya ng Panginoon, hindi sa mata ng pananampalataya. Kaya maraming katanungan at pagdududa ang iniwan nito sa atin. Tinitingnan natin ang grasya ng Diyos sa makamundong aspeto kaya hindi natin makita ang tunay nitong kahalagahan. Winika ni Jesus, “ngunit hindi kayo naniniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa.” Upang maging isang tupa ng Panginoon, kailangan nating buksan ang mga mata ng may pananampalataya. Nang sa gayon, mauunawaan natin kung gaano tayo kahalaga sa kanya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020