Ebanghelyo: Juan 6:60-69
Nang marinig ito ng kanyang mga alagad, marami sa kanila ang nagsabi: “Mabigat ang salitang ito. Sino ang makakapakinig dito?” Alam ni Jesus sa kanyang sarili na nagbubulungbulungan tungkol dito ang kanyang mga alagad kayat sinabi niya sa kanila: “Nakakaiskandalo ba ito sa inyo? Ano kayat mapansin n’yo ang Anak ng Tao umaakyat sa dati niyang kinaroroonan? Ang espiritu ang nagbibigaybuhay; walang bisa ang laman. Ang mga salitang binigkas ko sa inyo’y espiritu kaya buhay. Ngunit may ilan sa inyo ang hindi naniniwala.” Pagkat alam ni Jesus mula sa simula kung sinu-sino ang mga di maniniwala at kung sino ang magkakanulo sa kanya. At sinabi niya: “Dahil dito kaya ko sinabi sa inyong walang makalalapit sa akin malibang ipagkaloob ito sa kanya ng Ama.” Kaya mula noo’y marami sa kanyang mga alagad ang tumalikod at hindi na nagpatuloy sumama sa kanya. Sinabi naman ni Jesus sa Labindalawa: “Gusto n’yo rin bang umalis?” Sumagot sa kanya si Simon Pedro: “Panginoon, kanino kami pupunta? Mga salita ng buhay magpakailanman meron ka. Naniniwala na kami at kilala naming ikaw ang Banal ng Diyos.”
Pagninilay
Sinabi ni Jesus sa labindalawa, “gusto niyo rin bang umalis? Ang katanungang ito ay sumasalamin sa pagsunod sa tawag ng Panginoon bilang kanyang alagad. Sa Mabuting Balita, naranasan ng mga tao ang habag ng Diyos. Sila ay pinagaling sa kanilang mga karamdaman. Sila ay pinakain at binusog mula sa kakarampot na piraso ng tinapay at ilang pirasong isda. Ngunit mukhang ang pagpamalas ng habag ng Panginoon ay nauwi lamang sa pagkabusog ayon sa pangangailangan ng katawan. Ito ang nag-udyok upang sundan nila si Jesus. May mas malaim na dahilan kung bakit tayo sumusunod sa Panginoon. Ito ay naka-ugat sa ating buhay pananampalataya. Marami ang hindi nauunawaan ng lubusan ang sinabi ng Panginoon na siya ay ang pagkaing nagbibigay-buhay. Kaya naman, hindi natin mapanindigan ang tawag sa atin ng Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ay susi upang maunawaan natin ang kahulugan ng kanyang mga sinabi na siya ay tunay na pagkain: Ang tinapay na nagbibigay buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020