Ebanghelyo: Juan 5:1-16
Pagkatapos nito, may piyesta ng mga Judio at umahon pa-Jerusalem si Jesus. May isang palanguyan sa Jerusalem na Betzata ang tawag sa Hebreo, malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo (habang naghihintay sa pagkilos ng tubig. Sapagkat paminsan-minsa’y bumababa sa palanguyan ang Anghel ng Panginoon at kinakalawkaw ang tubig. At umiigi sa anumang sakit ang unang makalusong matapos makalawkaw ang tubig.).
At doo’y may taong tatlumpu’t walong taon nang may sakit.
Pagkakita ni Jesus dito na nakahandusay at pagkaalam niya na matagal na ito roon, sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang maysakit: “Wala po akong taong makapaghahagis sa akin sa palanguyan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon pa ako, may lumulusong nang una sa akin.”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at maglakad-lakad!” At dagling umigi ang tao, at binuhat niya ang kanyang higaan at naglakad-lakad.
Araw nga ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na magbuhat ka ng higaan. Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa aking “Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.” Tinanong nila siya: “Sino ang taong nagsabi sa iyong ‘Magbuhat at maglakad-lakad?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakatalilis si Jesus dahil maraming tao sa lugar na iyon.
Pagkatapos nito, natagpuan siya ni Jesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Hayan, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at sinabi sa mga Judio na si Jesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat sa Araw ng Pahinga niya ginawa ang mga ito.
Pagninilay
May kasabihan tayo na ang kalusugan ay kayamanan. Naging impoertanteng tema ito noong nakaraang taon lalo pa’t ito lamang ang paraan para malampasan natin ang banta ng pandemya. Pero paano nga ba kung halos buong buhay mo ay lagi ka ng maysakit? Nabasa natin sa Ebanghelyo ngayon na may isang tao na may sakit ng tatlumpung walong taon, at ni minsan wala man lang tumulong sa kanya na maihagis siya sa tubig. Lahat ng naroon ay nakaabang din at nag-uunahan sa palanguyan.
Ngunit habang naaawa tayo sa kanya, minsan tayo rin ay yaong mga taong nakatuon lamang sa sarili at nakikipag-unahan sa iba. Naka-kalungkot na halos ganyan na nga ang mundo, paunahan, pautakan, at panlalamang. Iyan din kasi ang turo ng mundo sa atin, na sa atin na ang lahat ng nasa mundo sa abot ng ating makakaya. At habang inaabot natin ang mga pangarap natin, may nakakaligtaan tayo. Hindi na natin napapansin na mas may nanga nga-ilangan pa sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022