Ebanghelyo: Juan 5:17-30
Sumagot naman si Jesus sa kanila: “Gumagawa pa rin ang aking Ama kaya gumagawa rin ako.” Kaya lalo pang hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil dito sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos.
Kaya sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman sa sariling kusa ang Anak maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, ganoon din ang paggawa ng Anak. Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang ginagawa. At mas mahalaga pang mga gawa ang ituturo niya kayat mamamangha kayo.
Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at binibigyangbuhay; gayundin naman binibigyangbuhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hindinghindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman kundi ibinigay niya sa Anak ang buong paghatol at pararangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagpadala sa kanya.
Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay magpakailanman ang nakikinig sa aking salita at naniniwala sa nagpadala sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at mabubuhay ang mga nakaririnig. May Buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman, ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom sapagkat anak siya ng tao.
Huwag n’yo na itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya at magsisilabas sila: sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan ang mga gumawa ng masama.
Wala akong magagawa sa sariling kusa. Ayon sa naririnig ko ako naghuhukom. At matuwid ang paghuhukom ko dahil hindi sariling kalooban ang hangad ko kundi ang kalooban ng nagpadala sa akin.
Pagninilay
Sa dakilang pagibig ng Diyos, nilikha ang lahat at nabigyangbuhay ang tao at ang lahat ng nilalang. Loob ng Diyos na yumabong ang buhay na kanyang binigay ayon sa kanyang plano. Upang matupad ito, ipinadala niya ang kanyang bugtong na anak upang mabigyan tayo ng daan na tatahakin upang lumago ang buhay na handog sa atin. Si Jesus ang katuparan ng lahat ng winika ng mga propeta at nasulat sa batas. Sa kanya natin makikita kung papaano manatili sa buhay na banal na ninais ng Diyos sa kanyang nilikha. Ngunit ano ang nakapipigil sa ating paglago? Ang pagsalungat natin sa kalooban ng Diyos at paggawa ng mga bagay na laban sa buhay. Ito ang mga kagustuhan, gawa at mga bagay na nakasisira at nakapipigil sa paglago ng buhay na binigay ng Panginoon. Hangarin natin tuwina ang kalooban ng Diyos. Gabay ang salita at halimbawa ni Jesus, magiging mayabong ang ating buhay at wala tayong aalalahanin sa pagdating ng paghuhukom ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023