Ebanghelyo: Mateo 1:16, 18-21, 24a (o Lucas 2:41-51a)
Si Jacob ang ama ni Jose ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinag kasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang magasawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo.
Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang-lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.
Habang iniisip-isip niya ito, napa kita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”
Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.
Pagninilay
Hindi madali ang sitwasyon ni San Jose nang malaman niyang nagdadalangtao si Maria sa kapangyarihan ng Espiritu Santo. Dahil sa kanyang pagiging matuwid, binalak niyang hiwalayan si Maria upang di ito mapahiya. Ngunit dahil sa pagpapakita ng anghel ng Panginoon sa panaginip, nabago ang kanyang balak. Wala na siyang tanong pa at agad na sinunod ang kalooban ng Diyos. Sa Apostolic Letter ni Papa Francisco na Patris Corde, isa sa mga pagninilay ng Santo Papa ay ang pagiging amang mapagtanggap ni Jose. Tinanggap niya ng buong pananalig ang misyon na binigay sa kanya ng Diyos. Ginabayan sa panaginip, tinupad niya ang pagiging taong ama ng batang Jesus, matapat na asawa, at ama ng pamilya. Siya ang naging larawan ng Diyos Ama para kay Jesus, mula sa pagdadalantao ni Maria hanggang sa kanyang paglaki. Siya ang naging tagapag-sanggalang ni Jesus, ang liwanag na pinadala ng Panginoon sa sanlibutan. Ito rin ang hamon sa atin, ang ipagsanggalang ang liwanag ni Jesus na ating tinanggap sa ating binyag sa pamamagitan ng pagiging matuwid at masunurin sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023