Ebanghelyo: Juan 9:1-41
Sa kanyang pagdaan, nakita niya ang isang taong ipinanganak na bulag. Tinanong siya ng kanyang mga alagad: “Rabbi, sino ang nagkasala at ipinanganak siyang bulag: siya ba o ang kanyang mga magulang?”
Sumagot si Jesus: “Hindi dahil nagkasala ni ang kanyang mga magulang kundi upang mahayag ang mga gawa ng Diyos sa kanya. Kailangan nating gawin ang mga gawa ng nagpadala sa akin samantalang araw pa. Dumarating ang gabi at wala nang makagagawa. Habang nasa mundo ako, liwanag ako ng mundo.”
Pagkasabi niya ng mga ito, lumura siya sa lupa at gumawa ng putik mula sa lura at nilagyan ng putik ang mga mata ng tao. At sinabi sa kanya: “Pumunta ka’t at maghilamos sa pala nguyan ng Siloam (na kung isasalin ay sinugo).” Kaya pumunta siya at naghilamos at umalis na nakakakita.
Kaya sinabi ng kanyang mga kapitbahay at ng mga dating nakakapansin sa kanyang nagpapalimos: “Di ba’t ito ang nakaupo at namamalimos?” Sinabi ng ilan: “Ito nga siya!” At sinabi naman ng iba: “Hindi! Kamukha lamang siya.” Ngunit sabi niya: “Ako siya!” Kaya sinabi nila sa kanya: “Paano napadilat ang iyong mga mata?”
Sumagot siya: “Gumawa ng putik ang taong tinatawag na Jesus at pinahiran ang aking mga mata at sinabi sa akin, ‘Pumunta ka sa Siloam at maghilamos.’ Kaya umalis ako at naghilamos at nakakita ako.” Sinabi nila sa kanya: “Nasaan siya?” Aniya: “Hindi ko alam.”
Dinala nila siya sa mga Pariseo, siya na dating bulag. Araw ng Pahinga noon nang gumawa ng putik si Jesus at nagpadilat sa kanyang mga mata. Kaya muli siyang tinanong ng mga Pariseo kung paano siya nakakita. At sinabi niya sa kanila: “Nilagyan niya ng putik ang aking mga mata at naghilamos ako at nakakita.” Kaya sinabi ng ilan sa mga Pariseo: “Hindi mula sa Diyos ang taong iyon dahil hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba: “Paanong magagawa ng taong makasalanan ang ganitong mga tanda?” At nahati sila.
Kaya sinabi nilang muli sa bulag: “Ikaw, ano’ng masasabi mo tungkol sa kanya pagkat mga mata mo ang pinadilat niya?” At sinabi niya: “Siya ang Propeta!”
Hindi nga naniwala ang mga Judio na dati siyang bulag at nakakakita na, hanggang ipatawag nila ang mga magulang ng taong nakakita. At tinanong nila sila: “Ito ba ang inyong anak na sinasabi n’yong ipinanganak na bulag? Paano’t nakakakita siya ngayon?”
Kaya sumagot ang kanyang mga magulang: “Alam naming ito ang aming anak at ipinanganak siyang bulag. Pero hindi namin alam kung paano’t ngayo’y nakakakita siya, at wala kaming kaalamalam kung sino ang nagpadilat sa kanyang mga mata. Siya ang tanungin n’yo. May edad na siya at makapangungusap mismo tungkol sa kanyang sarili.”
Sinabi ito ng kanyang mga magulang dahil takot sila sa mga Judio. Sapagkat napagkasunduan na ng mga Judio na itiwalag sa sinagoga ang sinumang kikilala sa kanya bilang Kristo. Dahil dito kaya sinabi ng kanyang magulang: “May edad na siya. Siya ang inyong tanungin.”
Kaya makalawa nilang tinawag ang taong dating bulag at sinabi sa kanya: “Umamin ka sa harap ng Diyos. Alam naming makasalanan ang taong ito.”
Kaya sumagot siya: “Kung makasalanan siya, hindi ko alam. Iisa ang alam ko: bulag ako noon at ngayo’y nakakakita.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Ano’ng ginawa niya sa iyo? Paano niya pinadilat ang mga mata mo?” Sinagot niya sila: “Sinabi ko na sa inyo at ayaw n’yong makinig. Ano’t gusto n’yo na namang marinig? Hindi kaya gusto n’yo ring maging mga alagad niya?”
At nilait nila siya: “Alagad ka niya pero mga alagad kami ni Moises. Alam naming kay Moises nangusap ang Diyos pero hindi namin alam kung saan galing ang taong ito.”
Sumagot ang tao sa kanila: “Ito nga ang katakataka: hindi n’yo alam kung saan siya galing at pinadilat niya ang aking mga mata. Alam natin na hindi dinidinig ng diyos ang mga makasalanan pero kung merong maypitagan sa Diyos at ang kalooban niya ang ginagawa, dinidinig niya ito. Kailanma’y wala pang narinig na may nakapagdilat sa mga mata ng isang ipinanganak na bulag. Kung hindi siya galing sa Diyos, wala siyang anumang magagawa.”
Sumagot sila sa kanya: “Tinuturuan mo ba kami, ikaw na ipinanganak na tagos ng mga kasalanan?” At ipinagtabuyan nila siya palabas.
Narinig ni Jesus na ipinagtabuyan nila siya palabas. At pagkatagpo niya sa kanya, sinabi niya: “Nananalig ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot siya: “Sino po siya upang manalig ako sa kanya?” Sinabi ni Jesus: “Nakikita mo siya at siya ang nakikipagusap sa iyo. ( Aniya: “Nananalig ako, Panginoon.” At nagpatirapa siya sa kanyang paanan. At sinabi ni Jesus:)
Sa paghatol ako dumating sa mundong ito: makakakita ang mga walang paningin, at magiging bulag ang mga nakakakita.”
Narinig ito ng ilang Pariseo na nasa tabi ni Jesus at sinabi nila sa kanya: “Edi bulag din kami?” Sumagot sa kanila si Jesus: “Kung sakaling bulag kayo, wala sana kayong kasalanan. Ngunit ngayong sinasabi n’yong ‘Nakakakita kami,’ namamalagi ang inyong kasalanan.”
Pagninilay
Para sa mga Hudyo, isang parusa ang pagiging bulag. Kaya’t nagtanong ang mga alagad ni Jesus kung sino ang nagkasala, ang bulag ba o ang kanyang mga magulang. Ipinaliwanag ni Jesus na walang nagkasala sa kanila ngunit ang bulag ang magsisilbing paraan upang ipakita ang mabuting gawa ng Diyos. Ginawa ito ni Jesus nang maggagabi na, malapit ng magdilim. Pinakita ni Jesus ang liwanag. Pinagaling niya ang bulag at ito’y nakakita.
Ang pagpapagaling ng bulag ay isang mabuting gawa ngunit hindi ito nakita ng mga Hudyo. Para sa kanila, mas mahalaga ang pagsunod sa Araw ng Pahinga. Dahil sa mahigpit nilang pagpapatupad sa batas, nabulag sila at hindi makita ang mabuting gawa ng Diyos kay Jesus. Hindi nila tinanggap si Jesus, ang liwanag na pinadala ng Diyos. Nanatili sila sa kadiliman at sila ma’y nagdala ng kadiliman sa mga tao na siyang nagpapasan ng mga batas na kanilang pinatutupad. Hilingin natin sa Panginoon na hipuin ang ating mga matang nabulag dahil sa hindi pagtanggap kay Jesus na siyang liwanag. Nang sa gayon, mabuksan ito at makita ang mga kahanga-hangang bagay na ginagawa ng Diyos sa ating buhay at sa ating kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023