Ebanghelyo: Juan 5:31-47
Sinabi ni Jesus: “Kung nagpapatunay ako sa aking sarili, di mapanghahawakan ang aking patunay. Ngunit iba ang nagpapatunay tungkol sa akin at alam kong mapanghahawakan ang patunay niya tungkol sa akin. Nagpasugo kayo kay Juan at binigyang-patunay niya ang katotohanan. Ipinaaalaala ko ito para maligtas kayo; ngunit hindi ko hangad ang patunay mula sa tao. Siya nga ang ilaw na may sindi at nagniningning, at ginusto n’yong magalak pansamantala sa kanyang liwanag.
May patunay naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang bigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawa mismong ginagawa ko ang nagpapatunay na sinugo ako ng Ama.
At nagpapatunay rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di ninyo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin namamalagi sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo.
Sinasaliksik ninyo ang mga Kasulatan dahil inaakala ninyong doon kayo magkakaroon ng buhay magpakailanman. Nagpapatunay nga sa akin ang mga iyon ngunit ayaw n’yong lumapit sa akin para mabuhay.
Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit kilala ko kayo: wala sa inyong sarili ang pagmamahal sa Diyos. Sa ngalan ng aking Ama ako dumating at hindi n’yo ako tinatanggap; kung sakaling may dumating sa sarili niyang ngalan, siya ang inyong tatanggapin. Paano kayo makapaniniwala kung papuri sa isa’t isa ang hangad n’yo at hindi ang papuring galing sa tanging Diyos ang hangad?
Huwag n’yong akalain na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang nagsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inaasahan. Kung pinaniwalaan nga ninyo si Moises, paniniwalaan din sana ninyo ako sapagkat tungkol sa akin siya nagsulat. Ngunit kung hindi n’yo paniniwalaan ang kanyang mga sinulat, paano n’yo paniniwalaan ang aking mga pananalita?”
Pagninilay
Madalas hinihingan ang isang aplikante sa isang trabaho o sa isang unibersidad ng mga taong makapagpapatunay ng kakayahan nito. Sila ang makapagsasabi at makapagrerekomenda kung ang aplikante ay karapat-dapat na tanggapin sa trabaho o kaya’y makapasok sa isang unibersidad. Hindi pa man tayo lubusang kilala ng tatanggap sa atin subalit ang mga tinatawag nating character references ang siyang garantiya ng ating pagkakakilanlan. Maraming nabanggit si Jesus na makapagpapatunay sa kanya: si Juan Bautista, ang Amang nagsugo sa kanya, ang kanyang mismong mga gawa at ang kasulatan. Nawa’y ang ating ugnayan sa Panginoon ang maging sapat na patunay ng ating buhay. Makilala nawa tayo bilang mga kaugnay ng Panginoon.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021