Ebanghelyo: Mateo 5:43-48
Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan.
Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano?
Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Sa unang pagbasa, sa Matandang Tipan, pinapahayag ang ganito: “Ako ang magiging iyong Diyos, at ikaw ang magiging aking bayan.” Bilang tanda ng Tipan, ang mga Israelita ay susunod sa Utos ng Diyos, at ang Diyos naman ay ang magbabasbas sa kanyang Bayan. Pero, nangyari na sumunod sila sa Kautusan at “kinamuhian pa rin ang kaaway.”
Nang dumating si Jesus, itinaas niya ang standard sa mga sumusunod sa Utos ng Diyos. Winika ni Jesus kung ano’ng nababasa sa Kautusan: “kamuhian ang iyong kaaway”. ngunit nagbigay pa Siya ng bagong pagtuturo nang Kanyang winika na “sinasabi ko naman sa inyo”. Si Jesus ay pumarito upang maging ganap ang Salita ng Diyos. Hinahamon ni Jesus ang mga nakikinig sa kanya na maging ganap katulad ng Amang nasa langit.
Hinahamon tayo ni Jesus na gawin, hindi lang ang inaasahan sa atin, o ang madaling gawin, kundi ang mahirap na gawin, katulad ng pagpapatawad o pagiging maawain sa kapwa.
© Copyright Pang Araw-araw 2025