Ebanghelyo: Jn 7: 1-2, 10, 25-30
Pagkatapos nito, naglibot si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil balak siyang patayin ng mga Judio. Malapit na ang piyesta ng mga Judio, ang piyesta ng mga Kubol. Pagkaahon ng kanyang mga kapatid sa piyesta, umahon din naman siya pero palihim at hindi lantad. Kaya sinabi ng ilang taga-Jerusalem: “Di ba’t ito ang balak nilang patayin? Pero tingnan n’yo’t lantaran siyang nangungusap, at wala silang anumang sinasabi sa kanya. Alam nga kaya ng mga pinuno na siya ang Kristo? Pero alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang makaaalam kung saan siya galing.” Kaya nang mangaral si Jesus sa Templo, pasigaw niyang sinabi: “Kilala n’yo nga ako at alam n’yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko. Ipinadala ako ng Totoo na hindi n’yo kilala. Kilala ko siya pagkat sa kanya ako galing at siya ang nagsugo sa akin.” Balak nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat hindi pa sumasapit ang kanyang oras.
Pagninilay
Ang mga taong nakaranas lamang ng “death threat” o banta sa kanilang buhay ang makauunawa nang lubos kay Jesus. Sila’y nagtatago para hindi matunton ng mga taong nais silang patahimikin. Dala nila sa kanila puso ang takot at pangamba sa sarili nilang buhay. Nagpapakalayu-layo sila at inililihim ang kanilang pagkatao. Si Jesus man ay nakatanggap ng banta laban sa Kanyang buhay. Subalit, dahil mas mahalaga sa Kanya na ituloy ang pangangaral sa mga tao, kinailangan Niyang lumabas nang palihim para hindi matukoy ng mga nais Siyang dakpin. Nagpapakita ito na bagamat naging maingat si Jesus, sa kabilang banda nama’y ang katapangang harapin ang Kanyang kapalaran ang siyang mas mahalaga para sa Kanya. Sa ganitong pangyayari, pinalalakas ni Jesus ang loob ng mga tao na magpatuloy sa kanilang ginagawa. Kung halimbawang mayroong mga humahadlang para panindigan ang isang mabuting bagay o gawain, binibigyang-liwanag ni Jesus ang isip ng tao na sa halip na sidlan ng matinding takot ay ipagpatuloy ito. Hindi ito dahilan para itigil ang magandang simulain.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024