Ebanghelyo: Jn 5: 17-30*
Sumagot naman si Jesus sa kanila: “Gumagawa pa rin ang aking Ama kaya gumagawa rin ako.” Kaya lalo pang hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil dito sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos. Kaya sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi makagagawa ng anuman sa sariling kusa ang Anak maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, ganoon din ang paggawa ng Anak. Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang ginagawa. At mas mahalaga pang mga gawa ang ituturo niya kayat mamamangha kayo. Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at binibigyang-buhay; gayundin naman binibigyang-buhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hinding-hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman kundi ibinigay niya sa Anak ang buong paghatol at pararangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagpadala sa kanya. (…)
Pagninilay
Nangangailangan ng malalim na pagninilay kung ang ating ginagawa ay naaayon sa kalooban ng Diyos. Kailangan nating manalangin nang taimtim at nang maraming beses para tayo gumawa ng mga malalaking desisyon sa buhay. Hindi tayo kagaya ni Jesus na dahil maliwanag sa Kanya ang ipinagagawa ng Ama, hindi naging mahirap sa Kanya ang isakatuparan ang Kanyang misyon. Kaya’t sinabi Niyang naparito Siya upang isakatuparan ang ipinagagawa sa Kanya ng Kanyang Ama. Sa mga panahong tayo’y nag-aalinlangan kung ano ang pipiliing gawin, lumapit tayo sa Panginoon sa pamamagitan ng mga panalangin. Ang Diyos ay Diyos ng karunungan at kalinawagan. Sa ating pagtitiyaga sa pagdarasal, matutuklasan din natin ang Kanyang mga panukala. Isang mainam na isaalangalang sa pagninilay kung ang ating bang pasya ay para lamang ba sa atin o para sa ikabubuti ng lahat. Kung may nais ipagawa sa atin ang Diyos, tiyak na ipauunawa Niya ito sa atin. Hindi maaaring guluhin ng Diyos ang ating isip. Kaliwanagan ang hangarin Niya para sa atin. Makakamit natin ito sa palagiang pananalangin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024