Ebanghelyo: Lucas 11:14-23
Minsa’y nagpapalayas si Jesus ng isang demonyo at ito’y pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita ang pipi at namangha ang mga tao. Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa langit.
Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahatihati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Di nga ba’t sinasabi ninyo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng inyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo.
Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang kaharian ng Diyos. Kung sandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Pero kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian.
Ang hindi panig sa akin ay laban sa akin, at ang hindi nagtitipong kasama ko ay nagpapangalat.
Pagninilay
Ang kawalang kakayahang makinig ang madalas na nagiging sanhi ng pagkakawatak- watak. Kung susuriing mabuti, ang pagkakahati ng pamilya, mga komunidad at mga bansa ay hindi dahil sa pagkakaiba ng kultura, wika o relihiyon kundi sa kawalan ng pagkakaunawaan bunga ng hindi pakikinig. Pinagwawatak at pinangangalat ng masamang espiritu ang mga tao sapagkat hindi sila nakikinig. Mahalagang makinig upang magkaroon ng pang-unawa at kahulugan sa mga bagay na pinararating sa atin. Batid ni Jesus ang pangangailang ito ng mga tao. Tila sila mga tupang walang pastol kung kaya’t nangaral siya sa kanila. Tinitipon nga ng Mabuting Pastol ang bawat tupang nakikinig sa kanya. Pinagkakaisa niya silang mga nangangalat at nawawalay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021