Ebanghelyo: Lucas 4:24-30
Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming babaeng balo noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa babaeng balo ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.”
Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinatatayuan ng kanilang bayan para ihulog. Ngunit dumaan siya sa gitna nila at umalis.
Pagninilay
Bahagi ng buhay natin bilang mga Kristiyano ay ang hindi tanggapin ng iba. Maging si Jesus ay itinakwil at hindi rin tinanggap ng iba. Minsan ay mapanghihinaan tayo ng loob lalo’t higit kung ang sarili nating pamilya at mga kaibigan ang siyang hindi naniniwala sa ating ginagawa. Sa halip, puro mga kritisismo at pagdududa sa ating mga salita at gawa ang ating tinatanggap. Madalas ito ang karanasan ng mga nagsusumikap na maglingkod sa Simbahan at pamayanan. Sa kabilang banda, mainam ding suriin ang dahilan ng kanilang hindi pagtanggap. Kung ito ay dahil sa ang ating ginagawang mabuti at ipinapahayag na katotohanan na tumutuligsa sa hindi nila tamang ginagawa, magalak tayo.sapagkat tayo ay nagiging tunay na propeta. Kung tayo’y nagsisilbing konsensya at tagapagpaalala ng tama, asahan natin na ang propeta’y hindi tatanggapin sa sarili niyang lupain.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021