Ebanghelyo: Marcos 10:28-31
Nagsalita naman si Pedro at sinabi: “Iniwan namin ang lahat para sumunod sa iyo.” Sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: walang nag-iwan ng tahanan, mga kapatid, ina at ama at mga anak at mga bukid alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo na walang gantimpala. Tatanggap nga siya ngayon ng makasandaang beses ng mga tahanan, mga kapatid, mga ina at mga anak at mga bukid sa gitna ng mga pag-uusig, at sa panahong darating nama’y makakamit niya ang buhay na walang hanggan.
May mga una ngayon na mahuhuli at may mga huli naman na mauuna.”
Pagninilay
Hanggang ngayon, marami pa rin ang inuusig sa ibang bansa dahil sa kanilang pagsunod kay Jesus. Pero para sa atin na nakatira sa isang bansa na karamihan ay katoliko, madalas, ang pag-uusig na nararanasan ay galing pa mismo sa kristiyanong komunidad. Nariyan ang namecalling, labelling, bullying, tsismis, o paninirang puri, na nagdudulot ng pasakit sa damdamin nang ating mga kapatid. Ito rin ay nakapagpapahina sa kanilang pananampalataya. Kung maririnig mo ang tanong na: “Kanino ka nahihirapan? Sino ang nagiging dahilan para makaramdam ka ng kalungkutan?”. at maririnig mo ang naging sagot: “Gawa ng pari”. o kaya, “dahil sa mga taong simbahan.” Ano ang iyong mararamdaman bilang isang kristiyano? Nakakalungkot isipin na minsan, kung saan ka dapat kumuha ng lakas, diyan pa nasusubukan ang iyong pananampalataya kay Jesus.
Pagnilayan din natin, baka naman tayo mismo sa ating sarili ay nagdudulot ng pasakit sa kapwa natin dahil sa mga salitang namumutawi sa ating bibig. Baka tayo ang dahilan kung bakit may mga inuusig at lumalayo sa Simbahan. May nahihirapan ba dahil sa ating maling mga ginagawa o sinasabi sa kapwa?
© Copyright Pang Araw-araw 2025