Ebanghelyo: Mateo 9:1-8
Muling sumakay sa bangka si Jesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan. Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”
Noo’y inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon ang tao at umuwi.
Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga tao.
Pagninilay
Ano ang mas madaling sabihin? Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan o bumangon ka at lumakad? Tulad ng gustong gawing pagpapatahimik ni Amasias kay Propeta Amos, ang katotohanang hindi nila nais harapin ay magaganap at magaganap pa rin.
Naging kasabihan ang pagtatago ng ulo ng napakalaki at napakaduwag na ostrich upang ipakahulugan ang pagpipikit ng mata sa katotohanan. Salamat na lamang at hindi naman pala totoo ang pabulang ito. Nagmumukhang ibinabaon ng ostrich ang ulo kapag humukay s’ya ng magsisilbing pugad para kanyang mga itlog. At lalong hindi totoo na duwag ang ostrich. Matapang at mapanganib kalabanin ang ostrich.
Kaya’t hindi nakakatuwa kundi nakakalungkot na ang pagpikit ng mata sa katotohanan ay karaniwang- karaniwan. Lalong nakakaawa ang mga taong nakasanayan nang balewalain ang katotohanan hanggang tuluyan nang mabulag. Ang ganyang mga tao ang nakakita ng panganib, hindi makaiwas ni makatakbo, kaya’t ibinaon na lamang ang ulo upang “makaiwas”.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022