Ebanghelyo: Mateo 6:7-15
Pag mananalangin kayo, huwag kayong magsalita nang magsalita gaya ng ginagawa ng mga pagano; naniniwala nga sila na mas pakikinggan sila kung marami silang sinasabi. Huwag kayong tumulad sa kanila. Alam ng inyong Ama ang mga pangangailangan ninyo bago pa man kayo humingi. Kaya, ganito kayo manalangin:
Ama naming nasa Langit, sambahin ang Ngalan mo, dumating ang Kaharian mo, sundin ang loob mo dito sa lupa para nang sa Langit. Bigyan mo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw, patawarin mo ang aming mga pagkakautang gaya ng pagpapatawad namin sa mga nagkakautang sa amin. Huwag mo kaming dalhin sa tukso, at iligtas mo kami sa Masama.
Kung patatawarin ninyo ang mga nagkasala sa inyo, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa Langit. At kung hindi ninyo patatawarin ang mga nagkasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama.
Pagninilay
Kadalasan kapag sinasambit natin ang dasal na Ama Namin, tila hindi natin ito napapagnilayan nang husto at nagiging mekanikal na lamang. Ngunit kung ating susuriing mabuti, ang dasal na ito ay ang mismong espirutwal na buhay ng isang Kristiyano. Tinuran ni Jesus ang kanyang mga alagad na magpuri sa Diyos at matutong tumalima sa kalooban Niya. Ipinapakita rin ng dasal na ito ang ating pagiging depende sa ating Amang nasa Langit sa paghingi ng ating mga pangangailangan. At higit sa lahat ay kapakumbabaan ang dulot ng dasal na ito sa pag-ako natin sa ating mga kahinaan at pagkakamali at ganun din ang ating kakayahang magpatawad sa iba. Napakayaman ng dasal na ito at naway ito ang maging salamin ng ating buhay araw-araw. Nawa, hindi lamang puro hingi ang laman ng ating dasal bagkus ay alamin ang niloloob ng Diyos para sa ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021