Ebanghelyo: Mateo 6:1-6, 16-18
“Pag-ingatang huwag maging pakitang-tao lamang ang inyong mabubuting gawa. Kung ganito ang gagawin ninyo, wala na kayong gantimpala sa inyong Amang nasa langit. Kaya pag nagbibigay ka ng limos, huwag pahipan ang trumpeta sa unahan gaya ng ginagawa ng mga mapagkunwari sa sinagoga at mga daan; gusto nilang mapuri ng mga tao. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto.
“Kaya kung ikaw naman ang magbibigay ng limos, huwag ipaalam sa iyong kaliwang kamay ang ginagawa ng iyong kanang kamay; at mananatiling lihim ang iyong paglilimos at ang iyong Amang nakakakita sa mga lihim ang siyang gagantimpala sa iyo.
“Kung mananalangin kayo, huwag ninyong tularan ang mga mapagkunwari. Gustung-gusto nilang tumayo sa mga sinagoga o mga daan para manalangin nang nakikita ng marami. Sinisiguro ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. At kung ikaw naman ang mananalangin, pumasok sa iyong silid, isara ang pinto at manalangin sa iyong Ama na kasama mo nang lihim; at ang iyong Ama na nakakakita sa ipinaglilihim ang gagantimpala sa iyo.
“Pag mag-aayuno kayo, huwag magpakita ng lungkot sa mukha gaya ng mga mapagkunwari. Nagpapakita sila ng lungkot sa mukha para makita ng tao na nag-aayuno sila. Talagang sinasabi ko sa inyo na nagantimpalaan na sila nang husto. Kung ikaw naman ang mag-aayuno, maghilamos at ayusin ang sarili sapagkat hindi ka nag-aayuno bilang pakitang-tao lamang kundi para sa iyong Amang nakakakita sa lahat. At gagantimpalaan ka ng iyong Amang nakakakita sa lahat ng lihim.
Pagninilay
Sa konteksto ng parokya, maraming tumutulong ang ipinapangalandakan ang halaga ng kanilang donasyon. May iba pang nagtatampo o nagagalit kapag hindi sila kinilala o pinasalamatan sa harap ng mga tao. Ngunit may mga tao ring sadyang simple at tahimik lamang na tumutulong at ayaw nila ng publisidad. Napakadaling magbigay lalo na kung labis lamang ito sa ating kinikita. Ngunit ang tanong ay saan nag-uugat ang ating pagtulong? Baka hindi natin napapansin minsan na ito ay nakasentro sa ating sarili dahil sa mga papuring ating natatanggap. Ang taos pusong pagtulong at pag gawa ng kabutihan ay hindi nangangailangan ng pagkilala mula sa iba. Sa ating tahimik na paggawa, maaaring hindi tayo mapapansin ng tao at hindi makakatanggap ng papuri ngunit tandaan natin na kapansin-pansin ang lahat ito sa mata ng Diyos at ito ang pinaka importante.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021