Ebanghelyo: Mateo 5:43-48
Narinig na ninyo na sinabi: Mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway. Ngunit sinasabi ko sa inyo: Mahalin ninyo ang inyong kaaway, at ipagdasal ang mga umuusig sa inyo. Sa ganito kayo magiging mga anak ng inyong Amang nasa langit. Sapagkat pinasisikat niya ang araw sa kapwa masama at mabuti, at pinapapatak niya ang ulan sa kapwa makatarungan at di-makatarungan.
Kung mahal ninyo ang nagmamahal sa inyo, bakit kayo gagantimpalaan? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga kolektor ng buwis? At kung ang mga kapatid ninyo lamang ang inyong binabati, ano ang naiiba rito? Di ba’t ginagawa rin ito ng mga pagano? Kaya maging ganap kayo gaya ng pagiging ganap ng inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Sa Lumang Tipan pa lamang ay ipinamalas na ng Diyos na Siya ay mapagpatawad, maunawain at mapagmahal. Pinatawad Niya si Ahab matapos na ito’y magpakumbaba. Inaanyayahan tayo ng ebanghelyo na tularan natin ang ating Diyos Ama sa pagmamahal na walang pinipili at walang sinisino. Radikal ang hamon ni Jesus “Mahalin ninyo ang inyong mga kaaway.” Mt 5:44
May mga nagsabuhay na ng napakahirap na utos na mahalin ang kaaway: unang-una na si Jesus na sa Krus ay idinalangin na sa Ama ang mga nagpapatay sa Kanya. Binigyang- katwiran pa Niya na hindi nila alam ang kanilang ginagawa. Gayundin ang Mahal na Ina. Gayundin ang dating Santo Papa na ngayo’y si San Juan Pablo na: dinalaw pa niya sa bilangguan ang nagtangkang pumatay sa kanya. Marami na ring mga Kristiyanong nagpakita ng ganitong pagpapatawad at pagyakap sa kaaway. Kung sa araw-araw na buhay ay pinagsisikapan nating magpatawad, pagkakalooban din tayo ng biyaya na matupad ang nagpapabanal na utos: ibigin mo ang iyong kaaway at ipagdasal mo ang umuusig sa iyo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022