Ebanghelyo: Juan 6:51-58
Ako siyang tinapay na buhay, na pumanaog mula sa Langit. Kung may kakain ng tinapay na ito, mabubuhay siya magpakailanman. At ang laman ko ang tinapay na aking ibibigay alang-alang sa ikabubuhay ng mundo.
Kaya nagtalu-talo ang mga Judio at nagsalita: “Paano tayo mabibigyan ng taong ito ng laman para kainin?” Sinabi naman ni Jesus sa kanila: “Talagang-talagang sina sabi ko sa inyo, kung hindi n’yo kakanin ang laman ng Anak ng Tao at iinumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. May buhay magpakailanman ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo, at itatayo ko siya sa huling araw.
Sapagkat totoong pagkain ang aking laman at totoong inumin ang aking dugo. Ang ngumunguya ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay namamalagi sa akin at ako naman sa kanya. Sinugo nga ako ng Amang buhay at buhay ako dahil sa Ama, gayundin naman dahil sa akin mabubuhay ang ngumunguya sa akin.
Ito ang tinapay na pumanaog mula sa Langit, hindi gaya sa inyong mga ninuno na kumain at nangamatay pa rin. Mabubuhay naman magpakailanman ang ngumunguya ng tinapay na ito.”
Pagninilay
Sa panahon ng pandemya ng Covid-19 kung saan pinatupad ang community quarantine na nakaapekto sa trabaho ng marami, isa sa mga inaalala ng mga tao ay ang tulong o ayuda lalo na ang pagkain. Ito rin ang inaalala ng mga tao sa panahon ng kalamidad, ang may makain hanggang bumalik ang normal na sitwasyon. Di posibleng mabuhay ang tao kung walang pagkain sapagkat ito’y pangangailangan ng ating katawan. Sa pagdiriwang sa Solemnidad ng Katawan at Dugo ni Kristo, kinikilala natin si Jesus bilang espiritwal na pagkain na nagbibigay kasiyahan. Siya ang pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan.
Ang katotohanang ito ng ating pananampalataya ay ating ginugunita at ipinagdiriwang sa Banal na Eukaristiya, kung saan ang handog na tinapay at alak ay nagiging katawan at dugo ni Jesus na tinatanggap natin sa komunyon. Sa sulat ni San Pablo sa mga taga-Corinto, pinaaalalahanan tayo na ang ating pakikibahagi sa Eukaristiya ay isang pagpapahayag at simbolo ng ating pagkakaisa kay Kristo. Sa komunyon, si Jesus ay ating tinatanggap at nagiging bahagi ng ating pagkatao at tayo’y nagiging kaisa Niya. Tulad ni Jesus, ang Tinapay ng Buhay, nawa ang ating buhay ay maging tulad ng tinapay na handang hati-hatiin upang ibahagi sa iba.
Sa tuwing ipinagdiriwang natin ang Eukaristiya, hilingin natin ang biyaya na ang ating buhay ay maging tulad ni Jesus na inalay, hinati, at ibinahagi upang magbigay buhay. Sa ating paglilingkod, tayo nawa’y maging buháy na tanda ng Eukaristiya upang maramdaman ng iba ang presensya ni Jesus sa ating pagkatao. Sa huli, matatamasa natin kay Jesus ang kaganapan ng buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023