Ebanghelyo: Mateo 5:27-32
Narinig na ninyo na sinabing: Huwag kang makiapid. Ngunit sinasabi ko naman sa inyo: ang sinumang tumingin nang may pagnanasa sa isang babae ay nakiapid na rin sa kanyang puso.
Kaya kung ang iyong kanang mata ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, alisin mo ito at itapon! Makabubuti pa sa iyo na mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno. Kung ang iyong kanang kamay naman ang nagbubuyo sa iyo sa kasalanan, putulin mo ito at itapon! Mas makabubuti sa iyo ang mawalan ng isang bahagi ng iyong katawan kaysa matapon ang buo mong katawan sa impiyerno.
Sinabi rin namang: Kung may makikipagdiborsiyo sa kanyang maybahay, bigyan niya ito ng katibayan. Ngunit sinasabi ko sa iyo: kung may magpaalis sa kanyang maybahay sa ibang dahilan maliban sa kawalang-katapatan, pinapakiapid niya ito. At nakikiapid din ang nagpapakasal sa babaeng diborsiyada.
Pagninilay
Malapit sa puso ng mga Carmelite ang Unang Pagbasa. Dito kinilala ang propetang San Elias bilang tagabasa ng bagong pagpapamalas ng Diyos. Dati’y lahat ng nagbabadya ng lakas at kapangyarihan ang nagpapakilala kay Yawe. Sa tagpong ito, sa isang banayad na ihip ng hangin napagtanto na naroon nga si Yawe.
Ang ganitong presensya ay hindi nagbubunsod ng takot. Ito’y paanyayang makinig, makipag-intindihan at makipaglinawan. Tulad ng pagpapaliwanag ni Jesus ng tunay na nilalaman ng mga Batas ng Diyos. Sa ebanghelyo madarama natin ang higpit kasabay ng pagpapalaya ng batas. Kahit na anong makaaalipin sa iyo ay iwaksi mo. Lahat ng magbubuyo sa panganib at pagkakasala ay alisin mo (dukutin ang mata!). Nais ng Diyos na tamasahin natin ang laya at gaan ng pagtahak sa tamang daan. Ang pita ng laman ay matinding mang-alipin samantalang ang udyok ng Espiritu Santo ay banayad, hindi namimilit at matiyaga at untiunting naghuhubog para sa tunay na kalayaan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022