Ebanghelyo: Mateo 5:17-19
Huwag ninyong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigaykaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.
Pagninilay
Sa gitna ng napakaraming kasinungalingang kumakalat sa mundo, mahalagang buksan ang ating puso at isipan at hingin ang gabay ng Diyos sa pagtahak natin sa tamang landas patungo sa kanya. Sinasabi sa ebanghelyo na sino man ang magturo ng mga batas sa mga tao at magsagawa ng mga ito ay magiging dakila sa kaharian sa langit. Ito ay isang imbitasyon sa ating lahat na ang pagsunod sa mga utos ng Diyos ay magdadala sa atin sa tunay na buhay, isang buhay na walang hanggan kasama ang Ama. Nawa’y marinig natin ang tawag ng Diyos at maging bukas sa kanyang kalooban. Sa pagsunod natin sa kanyang mga utos, nawa’y maging matatag tayong humarap sa mga pagsubok. Walang dapat ikatakot. Kasama natin ang Diyos ngayon at magpakailanman.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020