Ebanghelyo: Mateo 5:13-16
Kayo ang asin ng mundo. Ngunit kung mawalan ng lasa ang asin, paano pa ito mapaaalat na muli? Wala na itong silbi. Itatapon na lamang at tatapakan ng mga tao. Kayo ang ilaw ng mundo. Hindi maitatago ang lunsod na itinayo sa tuktok ng bundok. Hindi rin sinisindihan ang ilaw para takpan ng kahon, sa halip ay inilalagay ito sa isang lampara at tumatanglaw sa lahat ng nasa bahay. Gayundin naman ang inyong liwanag sa paningin ng mga tao; at makikita nila ang inyong mabubuting gawain at pupurihin nila ang inyong Amang nasa langit.
Pagninilay
Ang mga plano ng Diyos ay naisakatuparan sa pamamagitan ni Jesus, ang pinadalang Mabuting Pastol para sa lahat. Si Jesus ay isinugo upang tayo’y tulungan na makilala ang Ama. Siya ang nagturo sa atin ng mga daan at kautusan hindi lamang para sa ating sarili, kundi hangad Niya na maipasa natin ito sa iba. Tinawag tayong mga asin sa mundo sapagkat ipinagpapatuloy natin ang misyon ni Jesus na ipahayag ang Salita ng Diyos. Isang hamon sa atin ngayon na magsilbing liwanag na tatanglaw para sa mga taong nasa dilim. Ang mabuting tagasunod ay hindi lamang puro salita, dapat nakikita rin sa kanyang mga gawa ang mga aral ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020