Ebanghelyo: Marcos 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo nila. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?”
Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.”
Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.”
Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Pagninilay
Ibigin ang Diyos at ang kapwa gaya ng pag-ibig natin sa ating sarili. Madali itong unawain ngunit ano nga ba ang ibig sabihin nito? Ang pag-ibig sa Diyos at sa ating kapwa ay di kailanman maaaring paghiwalayin. Kung iniibig lamang natin ang Diyos at hindi ang ating kapwa, isa lamang itong pagkukunwari. Kung iniibig lamang natin ang ating kapwa at hindi ang Diyos, ito’y pagmamahal na nakabatay lamang sa ating nararamdaman. Isinilang si Jesus upang ipakita ang ganap na pag-ibig kung saan ang pag-ibig ng Diyos na ating nararanasan ay ang mismong pag-ibig na ibinabahagi natin sa kapwa. Una tayong minahal ng Diyos sapagkat nilikha ang lahat sa kanyang pag-ibig. Ang pag-ibig natin sa Diyos ay ang ating tugon sa kanyang pagmamahal. Ipinakikita natin ito sa ugnayan natin sa kapwa na kinikilala nating mga kapatid kay Kristo. Ang ganap na pagibig ay hindi lamang nakabatay sa ating emosyon ngunit nagmumula sa kalayaang pagpili na magmahal. Ito ang kahulugan ng umibig ng buong puso, kaluluwa, isip at lakas, ang umibig ng malaya, ganap at walang pinipili.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023