Ebanghelyo: Mateo 5:1-12
Nang makita ni Jesus ang makapal na tao, umahon siya sa bundok. Naupo siya roon at lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad. At nagsimula siyang magturo sa kanila: “Mapapalad ang mga may diwa ng dukha sapagkat sa kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad ang mga nagluluksa sapagkat pagiginhawahin sila. Mapapalad ang mga di-marahas sapagkat mapapasakanila ang lupain. Mapapalad ang mga nagugutom at nauuhaw sa katarungan sapagkat bubusugin sila. Mapapalad ang mga maawain sapagkat kaaawaan sila. Mapapalad ang mga may busilak na puso sapagkat makikita nila ang Diyos. Mapapalad ang mga nagpupunyagi para sa kapayapaan sapagkat tatawagin silang mga anak ng Diyos. Mapapalad ang mga pinag-uusig dahil sa katarungan sapagkat kanila ang Kaharian ng Langit. Mapapalad kayo kung iniinsulto kayo at pinag-uusig at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at magalak sapagkat malaki ang gantimpalang nasa Diyos para sa inyo. Ganito rin pinag-usig ang mga propetang nauna sa inyo.
Pagninilay
Ang buhay natin ay puno ng mga kabalintunaan. Maraming pagbabalatkayo na kadalasa’y lumulunod sa atin palayo sa tunay na kahulugan ng buhay. Akala natin dahil tayo ay may kaya, may kapangyarihan at angat sa lipunan, tayo ay mapalad na. Mababa ang tingin natin sa mga aba sa lipunan. Ngunit ang pamantayan ng Diyos ay iba sa pamantayan ng tao. Sa Diyos ang sinumang umiibig sa katotohanan, kapayapaan at kabutihan ang tunay na mapalad. Ang hamon sa atin ngayon ay tingnan ang mga yaman at biyayang nasa atin bilang mga daan upang iangat ang katayuan ng aba, samantalang sila’y nag-aangat din naman ng ating kakayahang magmahal at magbahagi. Samasama tayong magalak sa pagiging mapalad nating mga anak ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020