Ebanghelyo: Mc 12: 18-27
Lumapit naman kay Jesus ang mga Sadduseo. Sinasabi ng mga ito na walang pagkabuhay na muli, kaya nagtanong sila: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may mga magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa upang magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kaya kinuha ng ikalawa ang kanyang asawa, at namatay ring walang anak. Ganito rin ang nangyari sa pangatlo. Silang pito nga ay namatay nang hindi nagkaanak. At sa huli’y namatay din ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay, kung mabubuhay silang muli, kanino sa pito siya magiging asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya Sumagot si Jesus: “Di kaya bunga ng di ninyo pagkaunawa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos ang inyong pagkakamali? Sa muling pagkabuhay nga nila, hindi na mag-aasawa ang lalaki o babae kundi para na silang mga anghel sa Langit. At tungkol naman sa mga patay at sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo inunawa ang sinabi sa inyo ng Diyos sa aklat ni Moises, sa kabanata ng palumpong: Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob? Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Malingmali kayo.”
Pagninilay
Ang mga Sadduseo ay hindi naniniwala sa mga bagay na spiritual, lalong-lalo na sa muling pagkabuhay. Kaya mahalaga ang sitwasyong kanilang iniharap kay Jesus. Namalas natin na nanatili sila sa makamundong pananaw. Hindi nila naunawaan o ayaw nilang tanggapin ang nakasaad sa Kasulatan tungkol sa Muling Pagkabuhay. Ang ganitong pananaw ng mga Sadduseo ay nananatili sa maraming tao maging sa panahon natin ngayon. Kaya makikita natin kung paano mamuhay ang mga taong hindi naniniwala sa muling pagkabuhay o sa buhay pagkatapos ng kamatayan. Ito’y pinag-uugatan ng kasakiman, pagmamalabis sa kapwa at ang pagpapakasasa sa kayamanan, na sa huli’y sumisira sa ating buhay at kaluluwa. Kaya hindi nag-atubiling sabihin ni Jesus sa kanila na mali ang kanilang pagunawa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos. Ipinaliwanag uli ni Jesus ang tungkol sa Muling Pagkabuhay. Tingnan natin ang ating mga ginagawa at mga “Choices” kung ang mga ito ba ay nagpapahiwatig ng ating paniniwala sa buhay na walang hanggan na tinuro ni Jesus ayon sa Banal na Kasulatan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024