Ebanghelyo: Marcos 12:35-37
Sa pagtuturo ni Jesus sa Templo, sinabi niya: “Ano’t sinasabi ng mga guro ng Batas na anak ni David ang Mesiyas? Sinabi nga ni David nang kasihan siya ng Espiritu Santo: ‘Ang sabi ng Panginoon sa aking Pangi-noon: Umupo sa aking kanan hanggang ilagay ko ang iyong mga kaaway sa ilalim ng iyong mga paa.’ Kung tinatawag siya ni David mismo na Panginoon, puwede bang anak siya ni David?” Nasisiyahan ang bayan sa pakikinig sa kanya.
Pagninilay
Sa ilang kabahayan ay may tinatawag na “master key” na nagisisilbing susi ng lahat ng pintuan at kadalasan ay nag iisa ito. Ibig sabihin para sa may ari ng bahay, hindi na niya kailangan pang dalhin o bitbitin ang pagkarami- raming susi para lamang mabuksan ang nais niyang buksan dahil sapat na ang isa. Si Jesus ay maihahalintulad natin dito. Marami tayong ninanais sa ating buhay at minsan ay ibang “susi” ang ating ginagamit upang makamit ito ngunit sa huli ay hindi tayo nagtatagumpay. Si Jesus ay Diyos at Panginoon at siya lamang ang “susi” at sagot sa ating mga katanungan at kagutuman sa ibat ibang aspeto ng ating buhay. Nawa ay ang kanyang Salita ay ang ating magsilbing gabay sa ating pamumuhay araw-araw dahil ito ang susi sa tagumpay ng isang mananampalataya.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021