Ebanghelyo: Mc 12: 1-12
At nagsimula siyang magsalita sa talinhaga. “May nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagtayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang panahon na ng anihan, pinapunta niya ang isang katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang bahagi niya sa ani. Ngunit sinunggaban nila ito at pinaalis na walang dala. Nagpadala uli sa kanila ang may-ari ng isa pang katulong pero hinampas ito sa ulo at hina-mak. Nagpadala rin siya ng iba ngunit pinatay naman ito. At marami pa rin siyang ipinadala; hinampas ang ilan sa kanila at pinatay ang iba. Mayroon pa siyang isa, ang minamahal na anak. At ipinadala niya siyang pinakahuli sa pag-aakalang ‘Igagalang nila ang aking anak.’ Ngunit nang makita siya ng mga mag-sasaka, inisip nila: ‘Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang mana.’ Kaya hinuli nila siya at pinatay, at itinapon sa labas ng ubasan. Ano ngayon ang gagawin ng may-ari ng ubasan? Darating siya at lilipulin ang mga magsasaka at ibibigay ang ubasan sa iba. Hindi ba ninyo nabasa ang Kasulatang ito? Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon, at kahanga-hanga ang ating nakita.” Huhulihin na sana nila siya pero natakot sila sa mga tao. Naunawaan nga nila na sila mismo ang tinutukoy niya sa talinhagang ito. Iniwan nila siya at lumayo.
Pagninilay
Ang mga talinhagang binahagi ni Jesus ay hindi lang patama sa mga tao sa Kanyang panahon. Ito rin ay nangungusap maging sa panahon natin ngayon. Tingnan natin ang ating sarili. Saan tayo napabilang ayon sa kwento sa Ebanghelyo? Ano ang ating nagiging reaksyon o tugon sa tuwing napagtatanto natin ang sarili nating mga pagkakamali at pagkakasala na taliwas sa Salita ng Diyos? O maging sa mga taong nagbabahagi at nagpapahayag ng katotohanan ayon sa mga turo ni Jesus at ng Simbahan? Imbes na labanan ang sinumang nagtuturo sa atin ng tamang daan, maging mapagkumbaba sana tayo at aminin sa ating sarili at sa harap ng Diyos ang ating mga sariling pagkukulang. Tanggapin din natin bilang biyaya ang mga pagkakataon na pinapamulat ng Diyos sa atin ang ating pagkakamali bilang tanda ng Kanyang walang hanggan pagmamahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024