Ebanghelyo: Marcos 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo nila. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?”
Sumagot si Jesus na “Ito ang una: Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.”
Kaya sinabi ng guro ng Batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa kanya. At ang mahalin siya nang buong puso at nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.”
Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
Pagninilay
Ang sangnilikha ay nagsimula sa pamamagitan ng pag-ibig ng Dakilang Manlilikha. Mula rin sa pag-ibig na ito ay ipinadala niya ang kanyang Anak upang makipamuhay sa atin. Ang Anak ay nag-alay ng buhay para sa atin nang sa gayon tayo ay magkaroon ng buhay. Sa kanyang kagustuhang huwag tayong mawalay sa kanya, ipinadala niya ang Espiritu Santo nang sa gayo’y magtagumpay tayo at hindi mapahamak. Kaya naman ang ating misyon bilang mga Kristiyano ay nakaugat din sa pag-ibig, at ito ang atas ni Jesus mismo sa atin. Isinabuhay niya kung ano ang nasasaad sa Matandang Tipan hinggil sa pag-ibig sa Diyos at kapwa. Gayon din nawa tayo at ito ay mananatiling ating misyon habang tayo ay nabubuhay. Pagdating ng ating pagsusulit, marahil ang itatanong sa atin ay “gaano tayo umibig?”
© Copyright Pang Araw-Araw 2021