Ebanghelyo: Juan 17:20-26
“Hindi lamang sila ang ipinapakiusap ko kundi pati ang mga nananalig sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita. Maging iisa sana ang lahat kung paanong nasa akin ka, Ama, at ako’y nasa ‘yo. Mapasaatin din sana sila upang maniwala ang mundo na ikaw ang nagsugo sa akin.
“Ibinigay ko naman sa kanila ang luwalhating ibinigay mo sa akin upang maging isa sila gaya nang tayo’y iisa: ako sa kanila at ikaw sa akin. Kaya magaganap sila sa kaisahan, at makikilala ng mundo na ikaw ang nagsugo sa akin, at minahal ko sila kung paanong minahal mo ako.
“Ama, sila ang ibinigay mo sa akin kaya niloloob kong kung nasaan ako’y makasama ko rin sila at mapansin nila ang bigay mo sa aking kaluwalhatian ko sapagkat minahal mo ako bago pa man nagkaroon ng mundo.
“Makatarungang Ama, hindi ka kilala ng mundo: kilala naman kita at kilala rin ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin. Ipinagbigay-alam ko sa kanila ang Ngalan mo at ipinagbibigay- alam pa upang mapasakanila ang pagmamahal mo sa akin at ako ri’y mapasakanila.”
Pagninilay
Ang kasabihang Daddy’s girl or Mommy’s boy ay maganda lang sabihin sa mga batang musmos. Maagang nagdadalaga’t nagbibinata ang ating mga tsikiting kaya’t karamihan sa kanila’y ayaw nang tinatatakan ng ganyang bansag. Pati ang mga nakagisnang tawag, halimbawa “Mikki” ay ayaw na nila sa pagsisimula ng pag-aaral. Feeling grown-up kung tatawagin mo sa buo nilang pangalan tulad ng pagtawag ng kanilang titser. “Michael” o “John Michael”.
May magandang pakahulugan ang Daddy’s girl o Mommy’s boy: ang orihinal o pinagmulang ugnayan ng anak sa mga magulang. At ito ang itinuturo sa atin ni Jesus. Hayaan nating panumbalikin ng Espiritu Santo ang bigkis na nagdudugtong ng buhay natin at ng mapanlikhang pagmamahal ng Diyos. Nagmula tayo sa pagmamahal. Nabuo, nabuhay at ngayo’y naglaklakbay tayo patungo sa kaganapan ng buhay at pagmamahal ng Diyos.
Ang mga suliranin sa buhay, tulad ng mga pinagtatalunan sa Unang Pagbabasa, ay mga sangkap na magpapaibayo ng ugnayang ito kung titingnan natin bilang daan, hindi ng pagkakawatak-watak kundi, ng pagkakaisa. Kailangan nating matutong makinig sa bulong at udyok ng Espiritu Santo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022