Ebanghelyo: Marcos 12:18-27
Lumapit naman kay Jesus ang mga Sadduseo. Sinasabi ng mga ito na walang pagkabuhay na muli, kaya nagtanong sila: “Guro, isinulat ni Moises para sa amin: ‘Kung may mga magkakapatid na lalaki at mamatay na walang anak ang isa sa kanila, kailangang kunin ng kanyang kapatid ang kanyang asawa upang magpasibol ng supling sa kanyang kapatid.’ Ngayon, may pitong magkakapatid. Nag-asawa ang panganay at namatay na walang anak. Kaya kinuha ng ikalawa ang kanyang asawa, at namatay ring walang anak. Ganito rin ang nangyari sa pangatlo. Silang pito nga ay namatay nang hindi nagkaanak. At sa huli’y namatay din ang babae. Ngayon, sa muling pagkabuhay, kung mabubuhay silang muli, kanino sa pito siya magiging asawa? Ang pito nga ang umangkin sa kanya.”
Sumagot si Jesus: “Di kaya bunga ng di ninyo pagkaunawa sa Kasulatan at sa kapangyarihan ng Diyos ang inyong pagkakamali? Sa muling pagkabuhay nga nila, hindi na mag-aasawa ang lalaki o babae kundi para na silang mga anghel sa Langit.
At tungkol naman sa mga patay at sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo inunawa ang sinabi sa inyo ng Diyos sa aklat ni Moises, sa kabanata ng palumpong: Ako ang Diyos ni Abraham, ang Diyos ni Isaac at ang Diyos ni Jacob? Hindi siya Diyos ng mga patay kundi ng mga buhay. Maling-mali kayo.”
Pagninilay
Sa ebanghelyong ito ay hindi intensiyon na sagutin ni Jesus ang mababaw na tanong tungkol sa pag-aasawa. Batid natin na hindi naniniwala ang mga Saduseo sa kabilang buhay kaya hindi nakakapagtaka na ang pagiisip nila ay nakatuon sa kung ano ang idinidikta at pamamaraan ng mundo. Ipinapakita sa naging sagot ni Jesus ang kahalagahan ng pagtanggap at pagpasok natin sa buhay na walang hanggan sa hinaharap. Madalas tayong humihingi sa ating dasal ng mga pangangailangan natin sa buhay ngunit ilan sa atin ang nagdarasal na ipagkaloob sa atin ng Diyos ang buhay na walang hanggan? Ang Diyos natin ay Diyos ng mga buhay at hindi ng mga patay kaya naman nakasisiguro tayong buhay ang kanyang ibibigay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021