Ebanghelyo: Mateo 13:31-35
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga: “Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa isang buto ng mustasa na kinuha ng isang lalaki at inihasik sa kanyang bukid.
Pinakamaliit ito sa mga buto ngunit paglaki’y mas malaki ito sa mga gulay, at parang isang puno – dumarating ang mga ibon ng langit at dumadapo sa mga sanga nito.”
At sinabi ni Jesus ang iba pang talinhaga: “Naikukumpara ang kaharian ng Langit sa lebadurang kinuha ng isang babae at ibinaon sa tatlong takal ng harina hanggang umalsa ang buong masa.”
Itinuro ni Jesus ang lahat ng ito sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinhaga; hindi siya nagturo sa kanila na hindi gumagamit ng mga talinhaga. Kaya natupad ang sinabi ng Propeta: “Magsasalita ako sa talinhaga. Magpapahayag ako ng mga bagay na natago mula pa sa simula ng daigdig.”
Pagninilay
Sa kapistahan nina San Joaquin at Santa Ana, mga magulang ng Birheng Maria, alalahanin natin ang ating gampanin bilang mga nakatatanda. Ang pananampalataya ni Maria ay nakaugat sa kaniyang pagkatao. Ang kaniyang pagsunod sa kalooban ng Diyos ay hindi lamang dahil siya ay puspos ng Espiritu Santo. Ang kaniyang “oo” ay nakaugat sa kaniyang malali na pananampalataya na marahil ay itinuro, ipinamulat at isinabuhay ng kaniyang mga magulang. Sa ating paggabay sa ating mga kabtaan, tayo ba ay nagtuturo sa kanila ng mabubuting pangaral? O madalas ay galit at sumbat ang kanilang naririnig? Tayo ba ay nagiging halimbawa ng mabuting Kristiyano sa salita at gawa? O minsan ay taliwas ang ating sinasabi sa ginagawa? Maging huwaran at saksi nawa tayo ng pananampalataya sa ating mga kabataan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021