Ebanghelyo: Mateo 13:24-30
Binigyan sila ni Jesus ng isa pang talinhaga. “Naihahambing ang kaharian ng Langit sa isang taong naghasik ng mabuting buto sa kanyang taniman. At samantalang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway. Hinasikan nito ng masamang damo ang taniman ng trigo at saka umalis.
Nang tumubo ang mga tanim at nagsimulang mamunga ng butil, naglitawan din ang masasamang damo. Kaya lumapit sa may-ari ang mga katulong at sinabi: ‘Ginoo, di ba’t mabubuting buto ang inihasik mo sa iyong bukid, saan galing ang mga damo?’
Sinagot niya sila: ‘Gawa ito ng kaaway.’ At tinanong naman nila siya: ‘Gusto mo bang bunutin namin ang mga damo?’ Sinabi niya sa kanila: ‘Huwag, at baka sa pagbunot ninyo sa mga damo e mabunot pati ang trigo. Hayaan ninyo na sabay silang tumubo hanggang anihan. At doon ko sasabihin sa mga mag-aani: Bunutin muna ninyo ang mga damo, at bigkisin para sunugin; at saka kunin ang lahat ng trigo at tipunin sa aking kamalig.”
Pagninilay
Ang Diyos ay mabuti at lahat ng nilikha niya at mabuti. Kung paanong ipinapaliwanag sa talinghaga na ang inihasik ay mabuting buto, sinasagot din nito ang tanong ng karamihan kapag sila ay nagkakaroon ng pagdududa sa Diyos. Nilikha ba ng Diyos ang masama? Hindi. Bakit may masama? Ang sabi ay, “habang natutulog ang mga tauhan, dumating ang kaaway at naghasik ng masamang damo.” Ito ay isang paalaala sa atin na hindi tayo puwedeng tutulog-tulog lang. Kailangan natin na maging laging alerto. Laging magbantay dahil ang “kaaway” ay naghihintay ng pagkakataon na maghasik ng kasamaan sa puso at isipan ng mga tao.
Napakadaling isisi sa Diyos ang mga nangyayari sa buhay natin at sabihing pinababayaan tayo ng Diyos. Dumarami ang kasamaan sa mundo na sumisira sa ugnayan ng pamilya at sa lipunan dahil sadyang marami ang tutulog-tulog. Ayaw nating makialam, ayaw nating magpakaresponsable sa mga dapat nating bantayan. Kahit kailan hindi nagpapabaya ang Diyos at hindi niya pahihintulutan ang kasamaan. Kailangan lang talaga nating manatiling matatag at maninindigan sa kabutihan. Darating ang araw na ihihiwalay ng Diyos ang masasama at ito ay kanyang susunugin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022