Ebanghelyo: Mateo 13:18-23
Makinig kayo ngayon sa talinhaga ng maghahasik. Pag may nakakarinig sa salita ng Kaharian ngunit hindi naman niya inuunawa, dumarating ang Masama at inaagaw ang nahasik sa kanyang puso. Ito ang butong nahulog sa tabi ng daan.
Ang buto namang nahulog sa batuhan ay para sa taong nakarinig sa salita at kaagad itong tinanggap nang buong kasiyahan. Ngunit hindi ito nag-ugat sa kanyang kalooban at panandalian lamang. Kapag nagkaroon ng pagsubok at pag-uusig dahil sa salita, agad-agad siyang natitisod.
Ang butong nahulog sa mga tinikan ang nakarinig sa salita ngunit sinikil ito ng mga makamundong kabalisahan at ng pandaraya ng kayamanan, at hindi nakapagbunga ang salita.
Ang buto namang nahasik sa matabang lupa ang nakakarinig sa salita at umuunawa rito; nagbubunga siya at nagbibigay ng sandaan, animnapu o tatlumpu.”
Pagninilay
Ang Sampung Utos ay ibinigay ng Diyos hindi upang pagbawalan tayo. Hindi ito inilatag sa atin upang pigilan tayo sa ating kasiyahan. Ang mga utos na ito ay ibinigay para sa ating kapakanan at sa ating kabutihan. Sa buhay natin, mahalaga ang mga batas. Mahalaga ito para sa kaayusan ngunit mahalaga rin ito upang mapanatili ang magandang ugnayan sa bawat isa. Ang pagsunod natin sa Sampung Utos ay may kalakip na pakikipag-ugnayan sa ating kapwa. Napakaraming tao ang nagdududa sa ating mga Katoliko dahil daw marami tayong sinusunod na tradisyon, doktrina at iba’t ibang paraan ng pagpapahayag ng pananampalataya. Ang tanong sa atin ay napapanatili ba natin ang kabutihan, maayos na ugnayan sa kapwa at pagmamalasakitan habang sinusunod ang mga utos na ito?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021