Ebanghelyo: Juan 20:1-2, 11-18
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus. Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Maria!” Pagkaharap niya’y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni!” (na ibig sabihi’y Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’” Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.”
Pagninilay
Umiiyak at nagdadalamhati, nagtungo si Maria Magdalena sa libingan ni Jesus ng madaling araw upang dalawin siya. Umaagos ang mga luha dahil sa pagkamatay ng isang kaibigan na nagpakilala sa kanya ng pag-ibig at awa ng Diyos, na nagpatawad sa kanyang mga pagkakasala. Kinilala siya na makasalanan ngunit dahil sa awa at kapatawaran na kanyang nakamit, naging malapit siyang tagasunod at kaibigan ni Jesus. Ang kadiliman at mga luha ay humadlang sa kanyang pagkilala kay Jesus. Gayunpa man, sa kanyang pagkikipag-usap kay Jesus, nakilala niya ang Tagapagturo. Sa mga panahon ng pagsubok, may mga pagkakataon kung saan hindi natin maanigan ang mukha ng Panginoon dahil sa mga luha at kadiliman na dala ng ating mga kinakaharap. Dahil naniniwala tayong muling nabuhay ang ating Panginoon, lumapit tayo sa kanya at ma kinig. Siya ang ating Tagapagturo na gagabay sa kaligtasan mula sa kadiliman patungo sa kaliwanagan. Tulad ni Maria Magdalena, ipahayag natin na si Jesus ay buhay at mula sa ating pananampala taya, atin Siyang natuklasan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023