Ebanghelyo: Juan 20:1-2, 11-18
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.”
Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus.
Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon.
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Maria!” Pagkaharap niya’y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni!” (na ibig sabihi’y Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’”
Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.”
Pagninilay
Naranasan mo na ba ang labis na kalungkutan dahil lumisan ang taong nagmahal sa’yo ng lubusan? Ito marahil ang nararamdaman ni Santa Maria Magdalena. Napakasakit sa kanya ang mawala si Jesus kaya kahit sa libingan ay hindi niya iniwan si Jesus. Sa kanyang muling pagbalik sa libingan, wala na ang katawan ni Jesus kaya labislabis ang kanyang paghahangad na makita ito. Sa kabutihang palad, isang napakagandang pagkakataon ang ipinagkaloob sa kanya ni Jesus. Si Maria Magdalena ang unang nakakita sa Kristong muling nabuhay. Kaakibat nito ay isang napakahalagang misyon – ang ipahayag ang kanyang karanasan, na Makita si Jesus.
Magandang paalala ito para sa mga taong nahihirapang mag “moveon”. Hindi ipinahintulot ni Jesus na si Maria Magdalena ay manatili sa libingan. Ang libingan ay para sa mga patay. Ang mga buhay ay dapat magpatuloy ng mabuhay dahil mayroon pa silang misyon na dapat gawin. Ito ay ang ipahayag ang mabuting balita na si Kristo ay nabuhay. May nawala man sa buhay natin, namatay man ang taong pinakamahalaga sa atin, hindi ibig sabihin na hihinto na ang ating buhay. Kailangan nating magpatuloy. Kailangan nating ituloy ang mga nasimulan at natutunan natin mula sa mga taong namatay na. Lagi nating iisipin na magkikita rin naman tayo sa pagdating ng panahon. Sa ngayon, sa tulong ni Jesus, gampanan nating mabuti ang misyon na iniatang sa ating mga balikat. Mabuhay tayo para sa ating mga minamahal. Hindi tayo iiwan ng Diyos na mag-isa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022