Ebanghelyo: Juan 20:1-2, 11-18
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Nakatayo namang umiiyak sa labas si Maria sa may libingan. Sa kanyang pag-iyak, yumuko siyang nakatanaw sa libingan. At may napansin siyang dalawang anghel na nakaputi na nakaupo, isa sa may ulunan at isa sa may paanan ng pinaglagyan sa katawan ni Jesus.
Sinabi sa kanya ng mga iyon: “Ale, bakit ka umiiyak?” Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan siya inilagay.” Pagkasabi niya nito, tumalikod siya at napansin niya si Jesus na nakatayo pero hindi niya nakilalang si Jesus iyon. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ale, bakit ka umiiyak? Sino’ng hinahanap mo?” Sa pag-aakala niyang iyon ang hardinero, sinabi niya sa kanya: “Ginoo, kung kayo ang nagdala sa kanya, sabihin n’yo sa akin kung saan n’yo siya inilagay at kukunin ko siya.”
Sinabi sa kanya ni Jesus: “Maria!” Pagkaharap niya’y sinabi niya sa kanya sa Aramaiko: “Rabbouni!” (na ibig sabihi’y Guro). Sinabi sa kanya ni Jesus: “Huwag kang humawak sa akin sapagkat hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Puntahan mo ang mga kapatid ko at sabihin sa kanila: ‘Paakyat ako sa Ama ko at Ama ninyo, sa Diyos ko at Diyos ninyo.’”
Pumunta si Maria Magdalena na ibinabalita sa mga alagad: “Nakita ko ang Panginoon.” At sinabi niya ang mga sinabi sa kanya.”
Pagninilay
Si Maria Magdalena ay isa sa matapat na alagad ni Jesus. Naroon siya noong si Jesus ay nangangaral, nagpapagaling ng may sakit, naroon din si Maria ng pagkamatay at pagkabuhay ni Jesus. Ang katapatan ni Maria Magdalena ay hindi matatawaran. Sa ating buhay, maaaring may mga tao ring naging “Magdalena” sa atin. Sa kabila ng kaniyang hindi magandang imahe sa marami, ang kanyang katapatan bilang isang kaibigan ay nananatili. Sa araw ng paggunita natin kay Maria Magdalena sa araw na ito, magpasalamat din tayo sa mga taong naging matapat sa atin, mga taong nakasama natin sa ating paglalakbay, pagkabigo at pagbangon. Ang katapatan ng isang kaibigan ay hindi matatawaran at dapat nating pagpasalamatan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021