Ebanghelyo: Mateo 12:38-42
Sinabi noon ng ilang guro ng Batas at mga Pariseo: “Guro, gusto naming makakita ng tanda mula sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Isang palatandaan ang hinihiling ng masama at di-tapat na lahing ito ngunit walang palatandaang ibibigay sa kanila, maliban sa palatandaan ni Propeta Jonas. Kung paanong tatlong araw at tatlong gabing nasa tiyan ng balyena si Jonas noon, gayundin naman tatlong araw at tatlong gabing mananatili sa ilalim ng lupa ang Anak ng Tao.
“Sa paghuhukom, babangon ang mga taga-Ninive kasama ng mga taong ito at hahatulan ang salinlahing ito sapagkat nagpanibagong-buhay sila sa pangangaral ni Jonas, at dito’y may mas dakila pa kay Jonas. Sa paghuhukom, babangon ang Reyna ng Timog, kasama ng mga taong ito at hahatulan sila. Sapagkat dumating siya mula sa kabilang dulo ng mundo para masaksihan ang karunungan ni Solomon, at dito’y may mas dakila pa kay Solomon.
Pagninilay
Ang mga Pariseo at mga Eskriba ay ang mga itinuturing na mga lider ng mga Hudyo o Israelita. Sila rin ang nag-iingat tungkol sa mga aral at utos ng Diyos. Kaya maituturing sila na mas higit na nakakaalam sa mga “palatandaan” nang parating na Mesiyas. Ang lahat ng nasasaad sa kasulatan ay nakita na nila kay Jesus subalit sila’y nagbulagbulagan at patuloy na pinagdudahan kung si Jesus nga ang kanilang hinihintay na katuparan ng pangako ng Diyos. Sa kabila nang patuloy nilang paghingi ng ”palatandaan”, hindi na sila pinagbigyan pa ni Jesus dahil wala na itong saysay.
Masakit malaman ang katotohanan. Sampal ito sa ating mga sarili lalo na pagdating sa ating mga “pride”. Nawa’y imulat natin ang ating mga mata sa mga nangyayari sa ating pamilya, mga relasyon at maging sa ating lipunan. Kapag nakikita na natin ang “palatandaan” na maaaring ikasira ng ating relasyon at mga buhay, ngayon pa lang tanggapin na natin ito habang may panahon pa. Kung patuloy tayong magbubulag-bulagan, patuloy lang din tayong masasaktan. Isa lang ng malinaw na hindi natin dapat pagdudahan: Mahal tayo ng Diyos. Ang Diyos ay nagbibigay ng napakaraming “tanda” para patunayan ang kanyang pagmamahal sa atin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022