Ebanghelyo: Mateo 11:25-27
Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. “Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.
Pagninilay
Sa tuwing nagsisimba, tayo’y nagpapasalamat sa Diyos (thanksgiving), sinasamba natin ang kanyang Pangalan (worship), humihingi ng kapatawaran (contrition) at nagdarasal din tayo para sa mga nangangailangan (intercession). Ito ang apat na uri ng dasal. Sa ating pangsariling panalangin madalas tayo magdasal para sa mga pangangailan natin at ng iba, humihingi ng tawad at nagpapasalamat. Pero parang madalang na pinupuri natin ang Diyos dahil namamagha tayo sa Kanyang gawain sa mundo. Kay ganda matutong pansinin ang mapagmahal na kamay ng Diyos sa mga magagandang pangyayari sa buhay natin, sa buhay ng ating mga minamahal at sa mundo, at sumigla at sumamba sa Panginoon dahil dito. Ano ang mas madalas sa atin: ang magreklamo dahil sa mga mali nating nakikita, o ang magpasalamat dahil sa mga magaganda nating napapansin sa mundo? Ano ang maganda mong nakita o naranasan ngayon? Purihin natin ang Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020