Ebanghelyo: Mateo 11:20-24
At sinimulang tuligsain ni Jesus ang mga bayang ginawan niya ng karamihan sa kanyang mga himala, sapagkat hindi sila nagpanibagong-buhay: “Sawimpalad kayong mga bayan ng Corozain at Betsaida! Kung sa Tiro at Sidon nangyari ang mga himalang naganap sa piling ninyo, matagal na sana silang nagsisi nang may abo at sako. Kaya sinasabi ko sa inyo: Mas magiging magaan pa ang sasapitin ng Tiro at Sidon sa araw ng paghuhukom kaysa inyo. At ikaw naman, Capernaum, itataas ka ba sa langit? Hindi, itatapon ka sa kaharian ng mga patay! Sapagkat kung sa Sodom nangyari ang mga himalang naganap sa iyo, nananatili pa sana ngayon ang Sodom. Kaya sinasabi ko sa inyo: mas magiging magaan pa ang sasapitin ng lupain ng Sodom sa araw ng paghuhukom kaysa inyo.”
Pagninilay
Ang Corozain, Betsaida at Capernaum ay mga bayan ng mga Hudiyong sumusunod sa batas ng kanilang relihiyon at nakasaksi sa mga himala ni Jesus, ngunit nanatili pa rin na pang labas lamang ang kanilang pagiging relihiyoso. Ang Tiro at Sidon ay mga bayan ng mga pagano na malayo sa Diyos. Ang Sodom naman ay winasak ni Yahwe noong panahon gawa ng kanilang kasalanan. Kung ang mga tao sa Tiro, Sidon, at Sodom ay nakasaksi sa mga himala ni Jesus, nakapagbago sana sila. Kaya mas mabigat ang parusa sa mga taga Corozain at Betsaida dahil, kahit napakadaming grasiyang ipinagkaloob sa kanila, ang puso nila’y nanatili pa ring malayo sa Diyos. Bakit kaya ang hirap magbagongbuhay kahit napakadaming biyaya ang ipinagkakaloob ng Diyos sa atin? Bilangin mo nga ang mga kaloob ng Diyos ngayong taon lamang… ikaw ba ay nagpasalamat na? Sinulit mo ba ang grasya o ginamit lamang at ito ay kinaligtaan? Nawa’y sulitin natin ang panahon at ang mga biyaya ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020