Ebanghelyo: Mateo 10:34—11:1
Huwag ninyong isipin na dumating ako para magdala ng kapayapaan sa lupa. Hindi kapayapaan ang dala ko kundi tabak. Dumating akong taglay ang paghihiwalay: ng tao laban sa kanyang ama, ng anak na babae sa kanyang ina, ng manugang sa kanyang biyenan. At magiging kaaway ng bawat isa ang kanyang mga kasambahay. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang ama o ina kaysa akin. Hindi karapat-dapat sa akin ang mas nagmamahal sa kanyang anak kaysa sa akin ang sinumang di nagpapasan sa kanyang krus at sumusunod sa akin. Ang nakakatagpo ng buhay niya ang mawawalan nito at ang nawawalan ng buhay niya alang-alang sa akin ang makakatagpo nito. Kung may tumatanggap sa inyo, tinatanggap din niya ako; at kung may tumatanggap sa akin, tinatanggap niya ang nagsugo sa akin. Kung may tumanggap sa isang propeta dahil propeta ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang propeta; kung may tumanggap sa isang mabuting tao dahil marangal ito, tatanggapin niya ang gantimpalang bagay sa isang mabuting tao. Kung may magpainom ng malamig na tubig sa isa sa maliliit na ito dahil sa alagad ko ito, sinasabi kong hindi siya mananatiling walang gantimpala. Nang matapos si Jesus sa pagtuturo sa Labindalawa niyang alagad, umalis siya roon para magturo at mangaral sa mga bayan doon.
Pagninilay
Nakakalito ang mga salita ni Jesus ngayon; hindi pala kapayapaan ang dala niya, kundi tabak at paghihiwalay. Ano kaya ang ibig niyang sabihin? Ang tunay na alagad ay handang iisangtabi ang kung anumang magiging hadlang sa kanyang pagsunod kay Kristo. Noong kapanahunan ng mga unang kristiyano, ang nais magpabinyag ay madalas galing sa pamilyang pagano, at madalas din na siya ay itinatakwil galing mismo sa kanyang pamilya dahil niyakap niya ang pananampalataya. Gayunpaman, kahit galing tayo sa kristiyanong pamilya, hindi padin madali ang maging alagad ni Jesus. Kung sariling comfort lang ang hinahanap natin at walang sakripisyo sa buhay ng tao, parang hindi pa sumisibol ang Salita ng Diyos. Kung palagi tayo nagrereklamo tungkol sa iba’t ibang bagay, parang hindi pa natin niyakap ang ating krus. Sa ating pagtitiyaga, pagiging pasensiyoso at maunawain, tayo ay matututong tumanggap at maglingkod sa ating kapwa. Nasa langit ang ating gantimpala.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020