Ebanghelyo: Mateo 9:18-26
Habang nagsasalita si Jesus sa kanila, lumapit sa kanya ang isang pangulo ng sinagoga at paluhod na sinabi: “Kamamatay nga lamang ng aking anak na babae, pero halika at ipatong ang iyong mga kamay at siya’y mabubuhay.” Kaya tumayo si Jesus at sumama sa kanya, pati na ang kanyang mga alagad.
Nilapitan naman siya mula sa likuran ng isang babaeng labindalawang taon nang dinudugo, at hinipo nito ang laylayan ng damit ni Jesus. Sapagkat naisip niya: “Kung mahihipo ko lamang ang laylayan ng kanyang damit, gagaling na ako.” Lumingon naman si Jesus, nakita niya siya at sinabi: “Lakasan mo ang iyong loob, anak ko, pinagaling ka ng iyong pananalig.” At gumaling ang babae sa sandaling iyon.
Pagdating ni Jesus sa bahay ng pangulo, nakita niya ang mga tumutugtog ng plauta at ang maraming taong nagkakaingay. At sinabi niya: “Umalis kayo! Hindi patay ang dalagita kundi tulog.” Pinagtawanan nila siya. Ngunit pagkaalis ng mga tao, pumasok siya, hinawakan ang bata sa kamay at bumangon ito. Lumaganap ang balitang ito sa buong lupaing iyon.
Pagninilay
Kanino ba tayo kumakapit sa mga panahong alanganin? Sa mga panahong puno ng takot? Sa panahong puro pangamba? Ang pinuno ng sinagoga at ang babaeng dinudugo sa Ebanghelyo ay lumapit kay Jesus. Ang pinuno marahil ay makapangyarihan upang ipatawag ang lahat ng eksperto para masuri ang anak, ngunit sa kamatayan nito, si Jesus ang nakapagbigay-buhay. Sa ating buhay, minsan ang tingin natin sa pananampalataya ay “last resort”. Minsan lumalapit lang tayo sa Diyos kapag walang-wala na. Nawa sa araw na ito ay alalahanin natin na sa maliliit na bagay, nandiyan pa rin ang Diyos para sa atin. Kagaya ng ginawa ni Jesus sa babae sa ebanghelyo, titigil sya at pakikinggan tayo. Hindi abala ang tingin sa atin ng Diyos, manalig lamang tayo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021