Ebanghelyo: Juan 20:24-29
Hindi nila kasama si Tomas na tinaguriang Kambal, na isa sa Labindalawa, nang dumating si Jesus. Kaya sinabi sa kanya ng iba pang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Sinabi naman niya: “Maliban lamang na makita sa kanyang mga kamay ang tatak ng mga pako at maipasok ang aking daliri sa pinaglagusan ng mga pako at maipasok ang aking kamay sa tagiliran niya, hinding-hindi ako maniniwala!”
Makaraan ang walong araw, muling nasa loob ang kanyang mga alagad at kasama nila si Tomas. Dumating si Jesus habang nakasara ang mga pinto at pumagitna.
At sinabi niya: “Kapayapaan sa inyo!” At sinabi niya kay Tomas: “Ilapit mo rito ang daliri mo at tingnan ang aking mga kamay. At ilapit ang kamay mo at ipasok sa aking tagiliran at huwag tumangging maniwala kundi maniwala!”
Sumagot si Tomas sa kanya: “Panginoon ko at Diyos ko – ikaw!” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Dahil ba sa nakita mo ako kaya ka naniniwala? Mapapalad ang mga hindi nakakita at naniniwala.”
Pagninilay
Tuwing naririnig natin ang pangalan ni Tomas na Apostol, lagi tayong dinadala sa tagpo ng muling pagkabuhay. Sa napakahabang panahon, si Tomas ay tinaguriang “Doubting Thomas” sapagkat nais niyang masigurado na tunay ngang nabuhay muli si Jesus. Sa panahon natin ngayon, napakarami na ang tinatawag na “scammers” kaya tuwing nais nating magkaroon ng transaksyon, gusto nating laging makasigurado. Para tayong mga “Doubting Thomas” ng ating panahon. Tunay namang mahirap magtiwala sa panahon ngayon, ngunit ang paanyaya sa atin ay pagkatiwalaan ang kabutihan ng Diyos at kapwa. Minsan ay dinidiktahan na natin ang magiging aksyon ng kapwa sa pamamagitan ng nakaraang ginawa nila sa atin. Ang panawagan sa atin ngayon: Magtiwalang muli!
© Copyright Pang Araw-Araw 2021