Ebanghelyo: Mateo 9:9-13
Sa paglalakad ni Jesus, nakita niya ang isang lalaking nagngangalang Mateo na nakaupo sa singilan ng buwis at sinabi niya rito: “Sumunod ka sa akin.” At tumayo si Mateo at sinundan siya. At habang nasa hapag si Jesus sa bahay ni Mateo, maraming tagasingil ng buwis at iba pang makasalanan ang lumapit at nakisalo kay Jesus at sa kanyang mga alagad. Nang makita ito ng mga Pariseo, tinanong nila ang kanyang mga alagad: “Bakit kumakaing kasama ng mga makasalanan at maniningil ng buwis ang inyong guro?”
Nang marinig ito ni Jesus, sinabi niya: “Hindi ang malulusog ang nangangailangan ng doktor kundi ang mga maysakit! Sige, matutuhan sana ninyo ang kahulugan ng ‘Awa ang gusto ko, hindi handog.’ Hindi ako pumarito para tawagin ang mabubuti kundi ang mga makasalanan.”
Pagninilay
Ang pagbabago ng tao ay kadalasang nagmumula sa pagtanggap at pagmamahal. Ang karanasang ito ni Mateo ay atin ding nadarama sa araw-araw. Hindi sinabi ni Jesus na: “Mateo, makasalanan ka. Magbago ka na.” Sa halip, siya ay tinawag at tinanggap sa kabila ng kanyang kahinaan at kasalanan. Sa ating karanasan bilang mananampalataya, pano natin nakikita ang ating kapwa na nais magbago? Katulad ba tayo ng mga Pariseo? O tinutularan ba natin si Jesus? Kung tayo ay patuloy na tinatanggap at minamahal ng Diyos, ganoon din nawa ang maging ugnayan natin sa ating kapwa. Wika nga ni Pauline Phillips: “A church is a hospital for sinners, not a museum for saints.” Maging ganap nawa ang ating pagtanggap sa kapwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021