Ebanghelyo: Mateo 9:1-8
Muling sumakay sa bangka si Jesus, tumawid sa lawa at bumalik sa sariling bayan. Dinala sa kanya roon ang isang paralitikong nakahiga sa papag. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Lakasan mo ang iyong loob, anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.”
Noo’y inisip ng ilang guro ng Batas: “Iniinsulto ng taong ito ang Diyos.” Alam ni Jesus ang kanilang mga niloloob, at sinabi niya: “Bakit kayo nag-iisip ng masama? Ano ba ang mas madaling sabihin: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka at lumakad’? Dapat n’yong malaman na may kapangyarihan sa lupa ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” At sinabi niya sa paralitiko: “Bumangon ka, dalhin mo ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon ang tao at umuwi. Nang makita naman ito ng mga tao, napuno sila ng pagkamangha at nagpuri sa Diyos sa pagbibigay ng gayong kapangyarihan sa mga tao.
Pagninilay
Sa mga pagsubok ng ating buhay, may mga pagkakataon na tayo ay labis na nahihirapan. Tila ba ginagawa natin ang lahat ngunit wala namang nangyayari. Sa sitwasyong ganito, para tayong mga “paralitikong nakahiga sa papag”. Ang papag ay ang mga problemang nagdadala sa atin, mga problemang nagiging sentro ng ating buhay. Sa ating buhay pananampalataya, tayo ay inaanyayahang higpitan pa ang pagkapit sa Diyos. Pinapaalala sa atin na muli tayong makakabangon sa Kanyang pagpapatawad at pagmamahal. Sa huli, sinabi ni Jesus na: “Bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” Hindi na problema ang nagdadala sa atin. Sa halip, tayo na ang magdadala sa mga problema. Baunin ang mga aral na nakuha natin mula sa ating pagkaratay habang kaagapay ang Diyos na mapagpatawad at mapagmahal.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021