Ebanghelyo: Marcos 1:21-28
At pumunta sila sa Capernaum, At nagturo siya sa sinagoga sa mga Araw ng Pahinga, Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas.
May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: ang Banal ng Diyos.”
Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka‘t lumabas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas.
Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.
Pagninilay:
Sa pasimula pa lamang ng kanyang misyon ay ipinamalas na si Jesus bilang isang propeta. Pinakikita sa unang pagbasa ang pangako ni Yawe na Siya ay magpapadala isang propetang katulad ni Moises: “Isang propetang tulad mo ang palilitawin ko para sa kanila mula sa kanilang mga kapatid. Ilalagay ko sa kanyang bibig ang aking mga salita at sasabihin niya sa kanila ang lahat ng iuutos ko sa kanya.” Ayon sa Torah, si Moises ang pinaka-dakilang propetang tagapag-ingat na salita na Diyos. Ang bayang Israel ay naghihintay ng isang propetang katulad ni Moises. Nang isara ang aklat ng Deuteronomio, sinabi ng may-akda: wala nang propetang dumating na katulad ni Moises (Dt. 34:10). Mula noon hinihintay nila ang katuparan ng pangako ni Yawe. Kaya nang nagtanong si Jesus sa mga disipulo kung ano ang sinasabi ng mga tao tungkol sa kanya may pag-iisip na kumakalat na si Jesus ay isang propeta (Mk. 8:28). Ngunit para kay Pedro si Jesus ay higit pa sa isang propeta: si Jesus ay Anak ng Diyos, at nasa kanya ang salita ng Diyos.
“At pumunta sila sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa mga Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas.” Ang unang gawain ng mesiyas at propeta ay ang pagturo sa salita ng Diyos dahil ito ay pagpapahayag sa kagustuhan ng Panginoon. At ayon sa ebanghelyo, ang mga turo ni Jesus ay bago at makapangyarihan o “may bisa” dahil galing ito sa Diyos mismo. Ang bisa ng salita ng Diyos ay hindi lamang naririnig, kundi ito ay nakikita o nangyayari. Kaya sumunod ang masasamang espiritu nang sinabi ni Jesus: “Tumahimik ka’t lumabas sa kanya.” Ganun na lamang ang pagtataka ng mga nakakita: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan!” Paano nga ba tayo tumutugon sa salita ng Diyos? Sa pangalawang pagbasa, binigyang pansin ni Pablo ang paghahanap ng pamamaraan kung saan Diyos lamang ang buong pusong paglilingkuran, tulad ng isang propeta.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021