Ebanghelyo: Mc 5: 21-43*
(…) At may dumating na isang pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Nagpatirapa ito sa kanyang paanan at pilit na ipinakiusap sa kanya: “Naghihingalo ang aking dalagita kaya halika para maligtas siya at mabuhay sa pagpapatong ng iyong mga kamay.” Kaya umalis si Jesus kasama niya at sumunod din sa kanya ang mga tao na gumigitgit sa kanya. May isa namang babae na labindalawang taon nang dinudugo. (…) At nang mabalitaan niya ang tungkol kay Jesus, nilapitan niya ito sa likuran sa gitna ng mga tao at hinipo ang damit nito, sapagkat naisip niya: “Kung mahihipo ko lamang ang kanyang mga damit, gagaling na ako. At agad na naampat ang pagagos ng kanyang dugo at naramdaman niyang gumaling na ang kanyang sakit. Ngunit agad din namang nadama ni Jesus na may lakas na lumabas sa kanya kaya lumingon siya sa gitna ng mga tao at nagtanong: “Sino ang humipo sa mga damit ko?” Sumagot ang kanyang mga alagad: “Nakikita mo nang ginigitgit ka ng napakaraming tao. Bakit mo pa itatanong: Sino ang humipo sa akin?” At patuloy siyang tumingin sa paligid para makita kung sino ang gumawa nito. Kaya lumapit na nanginginig sa takot ang babae. Namamalayan nga nito ang nangyari kaya lumapit ito at nagpatirapa sa harap niya at inamin sa kanya ang buong katotohanan. At sinabi sa kanya ni Jesus: “Anak, iniligtas ka ng iyong pananalig. Humayo kang mapayapa at magaling ka na sa iyong sakit.” (…)
Pagninilay
Ang tawag sa salaysay ng ebanghelyo ay sandwich technique. May dalawang kuwento na nagkasama. Buo sana ang tinapay pero nahati dahil isiningit ang palaman. Buo sana ang kuwento tungkol kay Jairo na may anak na nagaagaw-buhay. Naputol sandali ang kuwento dahil isiningit ang tungkol sa babaeng labindalawang taon nang dinudugo. Doble rin ang aral ng ebanghelyo. Una, may iisang diwa ang dalawang kuwento. Kapwa tumutukoy sa pananampalataya. Kapwa nanalig sina Jairo at ang babaeng dinudugo. Himala ang naging bunga ng pananampalataya. Ibinangon ni Jesus ang anak ni Jairo bagama’t sa tingin ng lahat ay patay na ito. Tumigil ang pagdurugo ng babae matapos humipo sa damit ni Jesus. Nagbunga ang malalim na pananampalataya. Ikalawa, naging huling baraha ng babaeng dinudugo si Jesus. Maraming manggagamot ang tumingin sa kanya ngunit hindi s’ya gumaling. Bakit kinakailangang maging huling baraha si Jesus? Sana s’ya ang unang nilalapitan. Siya ang pinakamahusay na manggagamot. Sa kanya ay daranas ng kagalingan ang lahat ng may karamdaman.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024